Papanong malalaman kung depektibo? Tingnan ang collar ng tangke. Ito yung malapad na bakal sa may hawakan. Basahin ang naka-ukit na tatak. Kung ang nakasulat ay PDSI, basahin agad kung kailan ang date of testing. Kung nakatatak ay "Tested 12-00," "01-01," "02-01," "03-01" o "04-01," yun na nga ang salarin. Gawa yan ng Pilipinas Daechang Steel Inc. (PDSI) mula Dis. 2000 hanggang Abr. 2001. Palpak yan. Natuklasan ng DTI na hindi ito gumagamit ng tamang pang-testing ng LPG tanks. Luma ang makinang panghulma, at kulang sa training ang welders.
Tingnan din ang serial number sa collar. Ang gawang Dis. 2000, SN 0001 hanggang 9574 ang naka-ukit. Kung Ene. 2001, SN 0001-9504; Peb. 2001, 00001-11,000; Mar. 2001, 00001-13681; at Abr. 2001, 0001-0250. Ganyan karami ang pinalusot ng PDSI na substandard tanks. Buti na lang, wala pang kalahati ng isang porsiyento ng 12 milyong tangkeng nagkalat sa bansa. Pero maaring magdulot ng pinsala sa 44,000 bahay o opisina o restaurant. Kaya naghabla ang DTI, lalo nat pinalabas ng PDSI na segunda ang tangke nila sa PNS (Philippine National Standards) 03:2000 at iniukit pa ito sa collar.
Isoli agad ang depektibong tangke sa binilhang dealer. Huwag nang ubusin ang laman. Tiisin na lang ang konting lugi. Mabuti na yon kaysa ubusin naman ng pagsiklab o pagsabog ang buong bahay nyo at pinag-ipunang mga gamit. Hayaan na lang silaban sa impiyerno ang may-ari ng PDSI.
Maari ring ipalit ang tangke sa Swap Centers ng Liquigaz at Total Gas. Hanggang Peb. 7, 2002 lang ang DTI recall order. Kung may tanong, tumawag lang sa DTI hotlines sa Metro Manila, 890-5226, 890-5740, 890-4932, o sa DTI regional o provincial offices. Puwede rin sa Liquigaz, 854-5489, o toll-free number 1-800-1888-5429; at sa Total-Superkalan, 838-4837.
Paki kalat din ang babalang ito.