Ang pagka-magagalitin ni GMA ay maraming beses na niyang ipinakita. Inaamin naman niya ito. Naging mataray si GMA sa mga reporters na nagtatanong sa kanya sa mga press conference. Mas madaling sumiklab ang galit ni GMA lalo na kapag ang itinatanong ay tungkol sa mga topic na hindi niya binibigyang-pansin. Pumuputok agad ang kanyang butsi at binabara ang mga nagtatanong. Walang makapigil sa kanya. Ang huling pagtataray ni GMA ay naganap noong October makaraang tanungin si GMA ng isang reporter tungkol sa kudeta. Parang binuhusan ng tubig ang mga nagtatanong sa maanghang na sagot ni GMA. Kinakikitaan din siya ng pagkainis kapag ang topic ay nabaling sa mga lumulutang na akusasyon kay First Gentleman Mike Arroyo. Sunud-sunod ang mga akusasyon sa First Gentleman na kinabibilangan ng eskandalo sa telecommunication franchise at ang tungkol sa rice smuggling.
Sinabi ni GMA noong Biyernes, "Doon sa mga reporters na nagtatanong ng mga tanong na maintriga, sasagutin ko lang siguro siya ng one sentence at pupunta na ako doon sa gusto kong ipahayag."
Maganda ang pangako ni GMA na hindi na agad-agad magagalit pero baka naman sa pagbabago niya ng ugali sa susunod na taon ay hindi na siya magalit at mapabayaan ang mga nagpapabayang opisyal. Sanay maging mabait siya sa mga pagtatanong subalit hindi sa mga gumagawa ng kapalpakan o katiwalian sa kanyang gobyerno. Ibuhos niya ang galit sa mga corrupt na walang ginagawa kundi ang magpahirap. Paputukin niya ang butsi sa mga corrupt na opisyal ng Customs, BIR, Immigration, DPWH at marami pang iba. Okey lamang kung sa mga corrupt niya pasabugin ang galit sapagkat ang mga ito ang nagpapahirap sa bansa. Kung mawawala ang mga corrupt, tiyak na magkakaroon ng pagkakataong umunlad ang bansang ito at marami na ang makaaahon sa kahirapan.