Napakalungkot ng pangyayari sapagkat ang mga biktima ay mga inosenteng mamamayan, kabilang ang mga bata. Dalawang pulis ang namatay habang tumutupad sa kanilang tungkulin. Pinipigil nila sa pagsabog ang isang bomba sa may Dusit Hotel sa Makati. Nabigo man ang mga pulis sa pagpigil ng bomba, itinanghal pa rin ng lipunan ang kagitingan at kabayanihan nina Insp. Nestor Salvador at SPO4 Roberto Gutierrez.
Matindi ang pinsalang idinulot ng mga pagsabog at hindi ko maiwasang magalit at mamuhi sa mga may kagagawan ng pambobomba. May ilang sektor ang nagsasabi na ang nangyari ay hudyat ng pagbabalik ng batas-militar sa bansa, katulad ng mga pangyayari noong 1972 nang ideklara ni Marcos ang martial law. Ang nangyari ay isang pagpapahiwatig ng tunay na kalagayan ng bansa.
Isang taon na ang nakakalipas matapos ang trahedya at hanggang ngayon ay wala pang hustisya sa mga biktima at hindi pa rin nadadakip at nabibigyan ng kaparusahan ang mga salarin sa krimeng ito. Magsilbi sanang isang aral sa kinauukulan at upang maiwasang mangyari uli ang ganitong trahedya.
Isang mapayapang Bagong Taon sa inyong lahat!