Mas mainam pa na hindi nangangako ang military at hindi na u maasa ang marami lalo pa ang mga kamag-anak ng mag-asawang Amerikano. Habang walang tigil sa pangako na laging napapako, mas masakit ang epekto sa kanilang damdamin na mabigo sa inaasahan. Lalo lamang nagpapatunay na wala silang kakayahang iligtas ang mga hostages. Pitong buwan nang bihag ang mag-asawang Burnham makaraang kidnapin sa Dos Palmas resort sa Palawan.
Nakapagtatakang hindi makubkob ng militar ang mga bandido gayong sinasabi nilang pilay na ang mga ito at santambak ng miyembro nito ang nadarakip at karamihan pa nga ay dinala na rito sa Maynila para dito litisin. Bakit hindi sila madurog gayong kakaunti na lamang ang mga ito?
Noong bisperas ng Pasko ay nailigtas ang isang Canadian makaraang kidnapin noong nakaraang buwan sa Davao. Ang na-rescue ay si Pierre Belanger, 50. Dinukot si Belanger ng Pentagon kidnap group noong November 3. Iniharap na kay GMA si Belanger. Lubos ang pasasalamat ng Canadian government sa pagkakaligtas kay Belanger.
Kung nagawang iligtas ng military si Belanger bakit hindi sina Burnham at iba pa na matagal nang nagdurusa sa kamay ng mga bandido. Habang nagtatagal lumalalim ang hinala na baka may "nilulutong" ransom payment gaya ng tsismis na kumakalat na may isang grupo ang naglalakad para mabayaran ng P50-milyon para mapalaya ang mag-asawa.
Kapag nagkatotoo ang tsismis na ito, lulutang na ang pagpapalayang naganap kay Reghis Romero at sa dalawang iba pa ay totoo. Hindi nagsisinungaling si Fr. Cirilo Nacorda at ganoon din ang testimonya ng mga sundalo.
Kung ganito ang kahihinatnan, tama si GMA na ipaubaya na lamang sa Diyos ang lahat at huwag sa military.