Ang extension ng bisa ng Rent Control Law ay malaking tulong sa mahigit 5.5 milyong kababayang nangungupahan ng bahay. Ang sakop ng batas ay mga bahay na ang renta ay P7,500 pababa bawat buwan sa Metro Manila at P4,000 naman sa ibang lugar. Hindi lamang mga bahay na paupahan ang sakop ng batas na ito kundi maging mga boarding houses, dormitoryo, sari-sari stores at mga home-based entrepreneurs.
Karamihan sa mga pamilya dito sa Metro Manila ay nangungupahan lamang dahil hindi naman nila kayang magpatayo ng sariling bahay. Maging ang mga estudyante mula sa mga probinsiya na nagnanais mag-aral dito ay kinakailangang mangasera. Ang batas na ito ay pipigil sa mga nagmamay-ari na magtaas ng mataas na upa lalo na kung kulang sa pasilidad.
Pagkatapos ng 2004, magkakaroon ng exit program na babalangkasin ng Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC) upang sa gayon ay hindi na kailangang magpasa muli ng batas sa Rent Control pagdating ng 2005.
Isa sa pangunahing pangangailangan ang bahay na matitirhan kung kaya sa Rent Control Law maiibsan ang mabigat na pasanin ng bawat pamilyang nangungupahan dahil sa limitado lamang ang pagtaas ng renta ang pinapayagan ng batas.