Ang NBI ang umukupa sa "pumalpak" na trabaho ng Task Force Marsha. Sa pag-upo ng NBI marami ang umasa na magkakaroon na ng hustisya ang pagpatay kay Nida. Natagpuan ang bangkay ng aktres sa loob ng kanyang kotseng naka-park sa 6th floor ng Atlanta Centre noong umaga ng November 7. Tadtad ito ng saksak at may mga pasa sa katawan. Maging ang anak ni Nida na si Kay Torres ay kinakitaan ng pag-asa sa pagpasok ng NBI makaraang gumuho ang pagtitiwala niya sa Task Force Marsha. Nawasak ang kredibilidad ng Task Force nang ang suspect na si Philip Medel Jr. ay sumigaw na siyay tinorture ng mga pulis para aminin ang pagpatay. Pinawalang-sala rin niya ang asawa ni Nida na si Rod Strunk.
Hilong talilong sa pagpapaliwanag ang Task Force at pinabulaanan ang mga akusasyon ni Medel subalit sa nangyariy parang wala nang gustong maniwala sa kanila. Sa isang iglap, nadurog ang kanilang pinasimulan. Isa sa mga naging kapansin-pansin sa kanila ay ang maagang paghahayag ng mga sensitibong bagay na maaari namang huwag munang ihayag sa media. Naging showbiz nga ang dating ng Task Force at nagmistulang tapos na ang kaso kung magsalita si Supt. Nestorio Gualberto, head ng Task Force.
Ngayong ang NBI na ang humahawak, nakikita naman naming sinusundan nito ang yapak ng Task Force Marsha. Hindi dapat ganyan ang mangyari. Dapat ay kumpletuhin muna ang imbestigasyon at kapag natapos na saka magbigay ng kung anu-anong pahayag sa media. Baka sa dakong huli ay "kalabasa" rin ang kalalabasan at pagtatawanan sila ng mga totoong killer ni Nida dahil sa mahinang klaseng pag-iimbestiga.