Naging panata na ni Dr. Talusan na magbalikbayan tuwing Pasko. Ang kilalang nephrologist (espesyalista sa kidney) na naka-base sa Baltimore, Maryland ay umuuwi rito tuwing Pasko para idaos ang kanilang family reunion. Nagsisimbang-gabi sila at paglabas ng simbahan ay kumakain ng mga kakanin tulad ng puto bumbong, bibingka, kutsinta at suman. Sa noche buena ay engrande ang handa nina Dr. Talusan. Nag-eexchange gifts sila at may mga regalo rin sila sa mga kaibigan at kamag-anak.
Sa panahon ng kapaskuhan ay nanggagamot sila ng libre sa mga maysakit at mahihirap sa San Rafael, Bulacan kung saan isinilang si Dr. Talusan. Katulong niyang manggamot ang kanyang asawa na si Dr. Celia Talusan at ang apat nilang anak na babae na pawang mga doktor din.
Lima na ang apo ni Dr. Talusan at ang mga ito ang pinakamahalagang aginaldo sa kanila ng Diyos.