Dahil sa hindi siya nagkukunwari at nagsisinungaling kaya nagagalit siya sa mga mayabang at bolero.
Isang gabi ay magkasama kami ni Enteng na nakihalubilo sa mga magsasaka. Dumating si Igme na pinakamayabang sa buong nayon. Tuwing magkukuwento ay sinasabi nitong totoo subalit halatang-halata na bola.
Hindi mapakali si Enteng dahil sa kayabangan ni Igme. Yayayain ko na sanang umuwi pero magsasalita pa ako sa mga magsasaka.
"Biro nyo, akala ko ay bato ang nabingwit ko," bida ni Igme sa lahat ng mga magsasaka. "Aba, eh, maya-maya ay gumalaw ang bato. Malaki palang alimango. Kasing laki ng batya. Hindi kasya sa jeep."
May mga sumigaw tanda ng pagtutol sa kayabangan. Marami rin ang pumalakpak bilang paghanga sa kuwento ni Igme.
Imbes na mainis ay nagkuwento na rin si Enteng. "Isang araw ay nagpunta ako sa ilog para mamingwit ng isda. Matagal bago may kumagat sa aking bingwit. Akala ko ay malaking isda. Iyon pala ay lampara at nakasindi ang ilaw."
Nagtawanan ang lahat.
Si Igme ay tumutol. "Bakit naman nilagyan mo pa ng ilaw ang nabingwit mong lampara?"
Nakangising sumagot si Enteng. "Madaling remedyuhan iyan. Paliitin mo ang iyong alimango at aalisin ko ang ilaw sa lampara."