EDITORYAL - Wala sanang traiduran

Dapat nang mag-isip ang gobyerno kung may saysay pa ba ang nakatakdang peace negotiation sa mga lider ng National Democratic Front (NDF). Dapat na ring baguhin ang pakikitungo at magpakita na ng katigasan upang huwag mahulog sa patibong na iniuumang ng mga makakaliwa. Lagi nang ang gobyerno ay natatraidor sa labanang ito at ano pa ang saysay ng mga pag-uusap na wala rin namang kinahihinatnan sa dakong huli. Sayang lang ang pagsisikap ng gobyerno kung maniniwala pa sa NDF na ngayo’y nakikita nang walang kontrol sa kanilang unit partikular ang New People’s Army (NPA). Ang NPA ay sunud-sunod na ang pagpapakita ng karahasan at nadadamay na ang mga inosenteng sibilyan.

Ang NDF mismo ang humingi ng ceasefire sa gobyerno noong Linggo para sa diwa ng kapaskuhan. Magsisimula ang ceasefire ngayong araw na ito ayon sa hiningi ng mga lider ng NDF na kasalukuyang nasa Netherlands. Subalit dalawang araw makalipas ang hininging ceasefire, sinunog ng 20 NPA rebels ang isang Philtranco bus sa bayan ng Catmon, Cebu City. Inamin ng NPA na sila ang may kagagawan ng panununog sapagkat hindi nagbibigay ng revolutionary taxes ang kompanya ng bus.

Kamakalawa, isang army captain naman ang inambus at napatay ng mga rebeldeng NPA sa Baler, Aurora. Ang napatay ay si Capt. Eufronio Villaluz. Nakasakay sa kanyang kotse si Villaluz nang paulanan ng bala at namatay on the spot.

Malaki ang aming paniwala na magpapatuloy pa ang karahasang isinasabog ng mga NPA at wala nang kontrol sa mga ito ang NDF. Walang saysay ang idineklara nilang ceasefire sapagkat sila mismo ang lumalabag nito. Sa mga nangyaring pagpatay ay isa lamang ang ipinakikita ng mga komunista, hindi sila seryoso sa kanilang hangarin at wala silang alam sa tunay na kahulugan ng kapayapaan kahit man lamang sa panahon ng kapaskuhan. Sa ginagawa ng mga NPA, lubusang natakpan ang kanilang sinasabi noon na sila’y kakampi ng mga naaapi at mahihirap at kalaban ng mga naghaharing-uri, ngayon ang mga kawawang sibilyan ang nadadamay at kanilang napagsasamantalahan. Puwersahan na ang kanilang panghihingi ng revolutionary tax at kapag hindi nakapagbigay, sisirain ang mga ari-arian. Gawain ng mga terorista ang kanilang ipinakikita.

Dapat pag-isipang mabuti ng gobyerno kung tama pang makipagnegosasyon sa mga komunista sa hinaharap o pagsasayang lamang ito ng panahon sapagkat mayroong lumalabag sa kasunduan. Dapat mag-isip ang dalawang panig sa pagkakataong ito sapagkat hindi makakamit ang kapayapaan kung may isang traidor.

Show comments