^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Maraming naghahanap ng katotohanan

-
Hilong talilong na ang taumbayan dahil sa napakaraming akusasyong mainit na pinag-uusapan ngayon. Matitindi ang mga akusasyon. Nakasisira. Nagpapabagsak at nagpapalubog. Halos araw-araw ay ang batuhan ng akusasyon ang mababasa sa diyaryo, mapapakinggan sa radyo at mapapanood sa telebisyon. Gantihan nang gantihan. Dahil dito hindi makausad ang buhay dahil sa matitinding batuhan ng akusasyon. Patuloy na naghihirap ang buhay nang maraming Pilipino dahil sa masyadong pag-aakusa na may bahid ng pulitika. Ang nakapagtataka, sa dami ng mga akusasyon ay wala namang lumalabas na katotohanan. Walang makita ang taumbayan.

Bago pa pinaulanan ng matitinding akusasyon si President Gloria Macapagal-Arroyo at ang asawa niyang si First Gentleman Mike Arroyo, una nang inakusahan si Sen. Panfilo Lacson na may kaugnayan sa drug trafficking, money laundering, salva-ging, wire tapping at iba pa. Lumutang si Intelligence chief Victor Corpus, Ador Mawanay at Rosebud. Binusisi nang matagal sa Senado katapus-tapusa’y wala ring nangyari. Ang inaasam ng taumbayang katotohanan sa mabibigat na kaso (tulad ng drug trafficking) ay nawalang parang bula. Ngayo’y hindi na malaman kung nasaan si Ador at tahimik na rin sina Rosebud at Corpus.

Biglang natahimik ang pag-aakusa kay Lacson. Para bang tinahi ang mga bibig. Kasabay niyon ang First Gentleman naman ang nirepeke at inulan siya nang nakayayanig na mga akusasyon. Una’y sa anomalya na tumanggap ito ng P50-million para mabigyan ng franchise ang dalawang telecommunication company. Nilinis siya ng senado sa akusasyon. Subalit hindi pa pala tapos sapagkat lumutang naman ang businessman na si Pacifico Marcelo at idinadawit na rin sa isyu ng telecommunication scam si GMA. Noong isang linggo, panibagong akusasyon na naman ang ibinato sa First Gentleman – sangkot umano ito sa rice smuggling.

Habang inuuga ang First Gentleman, bumaling naman ang matitinding akusasyon kay GMA. Binira ito ng tungkol sa P17-milyong ransom sa mga Abu Sayyaf. Ibinulgar naman ito ni Sen. Serge Osmeña III. Alam umano ni GMA ang ransom at dawit din ang mga opisyal ng Armed Forces of the Philippines.

Natutuliro ang taumbayan sapagkat hindi nila malaman kung sino ba talaga ang nagsasabi ng totoo. Nagdudulot ng kawalang tiwala sapagkat sa bawat pagbabanggaan ay ang taumbayang nangangailan ng tulong ang naiipit. Dahil sa kaabalahan sa pagsangga sa mga akusasyon ay marami ang nakaliligtaang serbisyo. Ang taumbayan ang higit na kawawa sa nangyayaring ito.

ABU SAYYAF

ADOR MAWANAY

AKUSASYON

ARMED FORCES OF THE PHILIPPINES

DAHIL

FIRST GENTLEMAN

FIRST GENTLEMAN MIKE ARROYO

PACIFICO MARCELO

PANFILO LACSON

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with