Kaya sa ngayon, low morale ang pulisya ng Mandaluyong City. Ayaw nilang kumilos dahil nakikita nilang pati ang kanilang hepe na si Supt. Sukarno Ikbala ay hindi gumagalaw para suportahan itong sina Fajardo, Bangoy at Cordova. Ayon sa mga nakausap ko, pati si Dir. Edgar Aglipay, ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) ay naghugas kamay sa kaso ng tatlong pulis, na nangungutang na para maidepensa ang sarili nila dahil sa ayaw nilang makulong.
Paano kikilos ang pulisya natin para malinis ng kriminal at droga itong Metro Manila kung pati mga lider nila ay hindi nila maasahan sa panahon ng kagipitan? Hindi lang sa Mandaluyong City nangyayari ang ganitong sistema. Sa tingin ko sa maraming panig ng ating bansa may mga ganito ring kaso subalit minabuti ng mga pulis natin na manahimik na lamang.
Sana ang pakikipaglaban na ito ni Fajardo ay magtulak sa kanila para lumantad at mabatid ng mga Pinoy ang tunay na sitwasyon sa pakikipagbaka sa droga. Palagi na lang ang ating pulisya ang nasisisi samantalang may ibang nakatagong mga dahilan pa.
Nagsimula ang kalbaryo ng tatlong pulis ng arestuhin nila itong si Tutaan na nasa barangay watchlist of drug personalities. Sa kasamaang-palad, kumpare at kapitbahay ni Tutaan ang chief prosecutor ng siyudad na si Pablito Gahol. Si Gahol din ang chairman ng Peoples Law Enforcement Board (PLEB) ng Mandaluyong City. Sobrang suwerte naman niya, di ba mga suki?
Kinasuhan ng drug possession si Tutaan na counter-charge naman na planted ang ebidensiyang nakuha sa kanya. Ang nakapagtataka lang, mas pinaniwalaan ni Fiscal Susante Tobias itong si Tutaan at idinismiss ang kaso laban sa kanya samantalang ang tatlong pulis ay kinasuhan ng planting of evidence. Ang masama pa, nitong Nov. 14, nagpalabas ng warrant of arrest itong si Judge Paulita Villarante ng Mandaluyong Regional Trial Court Branch 211 laban sa tatlong pulis.
Dahil sa warrant, nagtatago ang tatlong pulis samantalang si Tutaan ay naririnig ng taga-Mandaluyong na nagyayabang na walang makapagpakulong sa kanya habang nandiyan si Gahol. Ano ba yan? Sa ngayon, gusto ni Supt. Ikbala na magkaroon naman sila ng accomplishment laban sa lumalalang kaso ng droga sa siyudad pero ayaw ng kumilos ang kanyang mga tauhan dahil demoralisado sila. Ang katwiran nila, itong nangyari kay Fajardo ay maaaring danasin din nila kapag nagpumilit pa sila.