Concubinage sa asawang sumama sa iba

DALAWAMPU’T apat na taon nang kasal sina Felipe at Mayette at may apat nang anak nang malaman umano ng lalaki na ang kanyang asawa ay walang kakayahang pangkaisipan (psychological incapacity) na gampanan ang kanyang tungkulin bilang asawa at ina. Kaya nagsampa siya ng petisyon upang ideklara ang kasal nila na walang bisa sa simula’t simula pa.

Bilang sagot, sinabi ni Mayette na ang petisyon ay isang paraan lamang ni Felipe upang maipagpatuloy nito ang pakikiapid kay Sally. Dahil nga iniwan na sila ni Felipe upang sumama kay Sally, nagsampa si Mayette ng kasong concubinage sa dalawa.

Nang maisampa na ng piskal ang concubinage sa Municipal Trial Court (MTC) at upang hindi na magpalabas ng warrant of arrest ang MTC, hiniling ni Felipe na suspindehin muna ang pagdinig sa concubinage habang hindi pa napagpapasyahan ang petisyon niya na ideklarang walang bisa ang kasal nila ni Mayette. Ayon kay Felipe, kailangan daw pasyahan muna ang petisyon niya dahil kung talagang mapapatunayang walang bisa ang kasal niya kay Mayette sa simula pa hindi siya maaaring magkasala ng concubinage. Tama ba si Felipe?

Mali.
Ang pagkawalang-bisa ng kasal niya kay Mayette ay hindi mahalaga sa kasong concubinage. Pinapalagay ng batas na ang kasal ay may bisa habang ito’y hindi pa nadedeklarang walang bisa at ang hukuman lang ang magdedeklara nito. Ang mga partido sa kasalan ay hindi pinahihintulutang magpasya sa sarili na walang bisa ang kasal nila. Kaya ang sinumang makiapid sa babaing hindi niya asawa bago pa man madeklarang walang bisa ang kasal niya sa asawa ay pumapasok sa panganib na siya ay makasuhan ng concubinage.

Ang concubinage ay maaaring ipagpatuloy kahit hindi pa nadedeklarang walang bisa ang kasal sapagkat ang pagdedeklara na walang bisa ang kasal ay kailangan lamang upang magpakasal muli. (Beltran vs. People of the Philippines, G.R. No. 137567 June 20, 2000)

Show comments