Ito kasing si Gahol, ayon sa mga nakausap ko, ay isinubo ni Chairman Benjamin Abalos ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Court of Appeals at nailista na nga siya bilang isa sa mga kandidato. At malaki ang magiging papel ng perjury raps na isinampa laban sa kanya ni Leuterio. Sa kanyang dalawang pahinang affidavit complaint sa DOJ, sinabi ni Leuterio na itong si Gahol ay isang Amerikano nang tumakbo ito bilang konsehal ng siyudad noong 1988.
Inilakip ni Leuterio sa kanyang reklamo ang certificate of candidacy ni Gahol. Sa naturang papel, si Gahol ay nagsinungaling ng sabihin niyang hindi siya citizen ng ibang bansa samantalang siya ay isang green card holder, ani Leuterio. Sa kanyang pagtakbo hindi ni-renounce ni Gahol ang kanyang US citizenship at sa nangyari the respondent deliberately mocked the law and the people of Mandaluyong City which he was not entitled being a green card holder, dagdag pa ni Leuterio.
Sinabi naman ni Gahol na ang kasong isinampa ni Leuterio ay harassment lamang. Aniya, hindi na siya green card holder having surrendered the same as early as October 1991 prior to the effectivity of Republic Act No. 7160.
Ang kaso ni Gahol ay dinidinig ni State Prosecutor Edna Valenzuela. Si Leuterio at ang kanyang abogado ay nag-appear kay Valenzuela noong November 15 subalit si Gahol ay hindi sumipot. Imbes humirit si Gahol ng huling extension para makapagsumite ng kanyang counter-affidavit. Hindi kaya ginagahol ng oras itong si Gahol?
Bilang chief prosecutor ng Mandaluyong City si Gahol ay siya ring chairman ng Peoples Law Enforcement Board (PLEB). Kung taga-Mandaluyong City ang tatanungin nyo, masyadong powerful itong si Gahol sa kanilang siyudad dahil sa relasyon niya sa mga Abalos. Natuklasan ng taga-Mandaluyong na ang asawa pala ng matandang Abalos ay pinsan ni Presidente Gloria Macapagal-Arroyo, kaya sobra ang lakas ng padrino ni Gahol. Kaya pala namaos ng husto itong si Abalos at ang anak niyang si Mayor Benhur Abalos sa kasisigaw sa EDSA 2 noong Enero dahil malapit sila kay GMA. Napremyuhan naman sila di ba mga suki?
Ang balita ngayon, itong matandang Abalos ay tinatarget ang puwesto ni Secretary Joey Lina sa Department of Interior and Local Government (DILG). Hindi nga niya malutas-lutas ang problema sa basura sa Metro Manila, eh gusto pang tumaas ang tungkulin niya. He-he-he!
Kayong mga pulitiko talaga! Kahit bagyo ang padrino ni Gahol, sa tingin ko sa ngayon hindi siya makakatulog ng mahimbing dahil alam niya tinik sa pangarap niya ang perjury na kasong isinampa laban sa kanya ni Leuterio. Good luck Mr. Gahol.