EDITORYAL - Di-dapat malambot sa pakikitungo sa MNLF

HINDI makakamit ang kapayapaan sa Mindanao hangga’t hindi natututo ang pamahalaan sa pakikitungo sa mga rebeldeng Muslim. Hindi malaman kung ano ba ang gustong ipahiwatig ng gobyerno sa mga rebeldeng Moro National Liberation Front (MNLF) na naghasik ng lagim sa Zamboanga at Sulu. Pagkaraang i-hostage ng mga rebeldeng duwag ang may 50 residente sa Zamboanga noong Miyerkules, para bang nalagyan ng posas sa kamay ang gobyerno at hindi malaman ang gagawin. Nag-demand ang mga rebelde sa gobyerno na kanilang palalayain ang mga hostages kung hahayaan silang makaalis nang ligtas pabalik sa kanilang kampo. Pumayag ang tulirong gobyerno sa demands. Habang sakay ng trucks ay kumakaway pa ang mga rebeldeng duwag.

Hanggang sa kasalukuyan, hindi pa nawawala ang matinding takot at nagka-trauma ang mga residenteng hinostage sa Bgy. Pasonanca. Walumpu’t anim na residente ang hinostage, karamihan ay mga babae at bata. Tinalian sila sa kamay at ginawang pananggalang sa lumulusob na mga sundalo. Nasukol ang mga rebelde sa Kabatangan Complex at nang walang matakbuhan, pinagbalingan ang mga residente ng Bgy. Pasonanca. Nagtago sila sa katawan ng mga hostages habang nakatutok ang mga baril. Pigil-hininga ang mga kawawang hostages, ang iba ay kumakaway sa mga sundalo na huwag magpapaputok.

Ilang oras lamang makaraang hayaan ng gobyerno na makaalis ang mga rebelde, nagsimula na naman ang bakbakan. Ang mga pinatakas ay muling bumuo ng grupo at nakipagpalitan na naman ng putok sa pamahalaan. Hinabol muli ng mga sundalo ang kanilang pinatakas. Ano ba ‘yan?

Maraming pagkakamali ang gobyerno. Oo nga’t kailangan ang pakikipag-usap para mapalaya ang mga hinostage subalit naging sunud-sunuran ang pamahalaan. Hinayaan pang dalhin ang mga baril, na malinaw din namang pag-aari ng gobyerno sapagkat ang perang ipinambili ay bahagi ng pondo para sa Autonomous Region in Muslim Mindanao na dating pinamunuan ni Nur Misurari na ngayo’y nakakulong sa Malaysia dahil sa illegal entry.

Malambot ang gobyerno at walang direksiyon sa tamang pagsawata sa mga rebelde. Pinalalaki ang mga ulo kaya nangangagat at nagiging traidor. Dahil sa kalambutan at walang tinutungo, sumulpot ang maraming sira-ulong rebelde at pati mga bandido na gaya ng Abu Sayaff. Dapat nang maging matalino ang gobyerno sa pakikitungo sa mga rebeldeng duwag at mga sira-ulong bandido.

Show comments