'Hindi mawawala ni isang hibla ng inyong buhok'

ANG Ebanghelyo para sa araw na ito ay tungkol sa mga pagpapahirap na darating sa mga disipulo. Hula ito ni Jesus. At siniguro rin niya ang tulong na kanyang ibibigay sa kanila.

Datapwat ang mga pagpapahirap ay hindi makapupuksa sa Kristiyanidad. Sa katunayan, ang mga pagpapahirap ang makakatulong sa pagtataguyod ng pananalig kay Jesus. Ang dugo ng mga Kristiyano ang nagdilig sa mga binhi na naitanim na. Ang butil ng trigo ay dumami.

Ang kuwento ng pagpapahirap ay nakakikilabot. Subalit kinontra ito ni Jesus ng pag-asa at lakas ng loob (Lk. 21:10-19).

‘‘At sinabi pa niya, ‘Makikipagdigma ang bansa laban sa kapwa bansa at ang kaharian sa kapwa kaharian. Magkakaroon ng malalakas na lindol, magkakagutom at magkakasalot sa iba’t ibang dako. May lilitaw na mga kakila-kilabot na bagay at mga kagila-gilalas na tanda buhat sa langit.

‘‘Ngunit bago mangyari ang lahat ng ito, darakpin kayo’t uusigin. Kayo’y dadalhin sa mga sinagoga upang litisin at ipabilanggo. At dahil sa akin ay ihaharap kayo sa mga hari at mga gobernador. Ito ang pagkakataon ninyo upang magpatotoo tungkol sa akin. Ipanatag ninyo ang inyong kalooban, huwag kayong mababalisa tungkol sa pagtatanggol sa inyong sarili; sapagkat bibigyan ko kayo ng katalinuhan at ng pananalitang hindi kayang tutulan o pabulaanan ng sinuman sa inyong mga kaaway. Ipagkakanulo kayo ng inyong mga magulang, mga kapatid, mga kamag-anak, at mga kaibigan. At ipapapatay ang ilan sa inyo. Kapopootan kayo ng lahat dahil sa akin, ngunit hindi mawawala ni isang hibla ng inyong buhok. Sa inyong pagtitiis ay tatamuhin ninyo ang buhay na walang hanggan.’’

Si San Lorenzo Ruiz ay isang martir para sa pananampalataya. Siya ang ating unang Filipinong Santo. Nitong nakaraang taon lang, isa pang Pilipino, si Pedro Calungsod, ang na-‘‘beatify’’ ni Pople John Paul II. Sila’y mga halimbawa ng katatagan o katapangan.

Ang kanilang mga halimbawa at mga panalangin ay makakatulong sa atin na batahin ang anumang krus na dapat nating harapin. ‘‘Hindi mawawala ni isang hibla ng inyong buhok.’’

Show comments