Marami kasi akong nakausap na pulis na nagsasabing hindi promotion itong bagong puwesto ni Fernandez kundi demotion. Biro nyo mula staff officer ni Philippine National Police (PNP) Chief Dir. Gen. Leandro Mendoza eh nalipat siya sa puwestong chief superintendent lang ang plantilla.
At kung ang mga opisyal sa Camp Crame ang dapat paniwalaan, may malalim na istorya itong pag-banish kay Fernandez. Sabi ko na nga ba eh? Alam ng lahat na itong si Fernandez at Dir. Edgar Aglipay ang pinagpilian bilang kapalit ni Dep. Dir. Gen. Edgar Galvante sa National Capital Regional Police Office (NCRPO). Mabango ang pangalan ni Fernandez hanggang sa si Aglipay nga ang hinirang na bagong NCRPO chief.
Wala namang umangal dito dahil kahit sino sa dalawang opisyal ay kayang patakbuhin itong NCRPO. Pero sinabi ng mga nakausap kong pulis na kaya pala na-itsa puwera itong si Fernandez ay dahil sa P15 milyon na dahilan. At napunta sa kangkungan itong si Fernandez dahil sa hindi naman niya kasalanan, anila. Sinabi ng mga nakausap kong pulis na bago pala magbalasahan, si Fernandez na hepe ng Directorate for Personnel and Records Management (DPRM) ay nakatuklas ng 2,000 ghost policemen na patuloy na sumusuweldo. At umaabot nga sa P15 milyon ang nawawala sa kaban ng gobyerno buwan-buwan bunga ng katiwaliang ito.
Ang nakatuklas sa anomalya ay ang isang Javier na nasa records center ng DPRM, anang mga pulis. Ang nakikinabang sa naturang anomalya ay mga opisyales ng Chief of Staff, Finance at Computer Service ng PNP, ayon sa mga nakausap ko. Hindi masabi ng mga pulis kung pati si General Mendoza ay nakinabang dito. Ano ba yan? Baka masabit pa si Gen. Mendoza sa command responsibility dito ah?
Ang ikinalungkot ni Fernandez ang main player o kasapakat ng mga opisyal sa kanyang opisina ay isang Superintendent na dating bata naman ng isang nakasalamin na heneral ng pulisya na may ambisyong palitan si Mendoza. Ayos ba Bogarbs? Ika nga naiwang bukulan si Fernandez ng grupo.
Dahil sa natuklasan ni Javier, pinilit ni Fernandez na baguhin ang sistema. At sa ngayon, umaabot na lang sa 200 ang bilang ng ghost policemen at kina-counter-check pa nila ang mga ito dahil sa natuklasang kababalik lang sa serbisyo ang marami sa kanila. Ika nga ang 200 ay mga na-dismiss o nag-avail ng optional retirement na nagbago ng isipan at bumalik na sa pagkapulis.
Sa tingin ng nakausap kong mga pulis, mananatiling nakabaon ang iskandalong ito dahil ayaw magsalita ni General Fernandez, na kilala sa trabaho at hindi sa kawalanghiyaan. Nilulon na lang niya ang palamuting ipinangako sa kanya na gagawing ala-Drug Enforcement Agency (DEA) ang opisina niya. Maraming pangako na napapako, di ba mga suki.