Hindi puwedeng gawing katwiran sa krimen ang sakit o gutom o hanapbuhay. Ang krimen ay krimen. Mabigat ang batas, pero yon ang batas. Yon ang nagpapantay-pantay sa atin. Abay kung papayagang palusot ang problema ng bawat isa, ang laking gulo. Makakalaya ang nanagasa ng tao sa rasong nagmamadali siyang umuwi dahil sira ang tiyan. Mapapawalang-sala ang nanunog ng bahay sa rasong giniginaw siya. Maaabsuwelto ang kumamkam ng lupa sa rasong kursunada lang niyang gawin yon, may angal ka?
Yang mga palusot na paawa, napupulot lang sa drama sa radyo, TV at sine. Paulit-ulit na plot na lang ang humahagulgol na katulong na humihingi ng tawad sa malupit na mayamang amo. Huwag na siyang ipa-pulis sa kinupit na P20 dahil ipinambili lang ng segunda-manong laruan ng anak. At dahil sinampal-sampal na siya ng doña, patatawarin na lang siya ng amo. Tapos, ipakakasal pa sa binatilyong anak.
Pero sa fiction lang nga lahat yan. Iba sa totoong buhay, kung saan ang biktima ay may karapatan din sa hustisya, at ang buong lipunan ay may hangad na kaayusan. Bukod dito, may mga leksiyon sa drama na hindi nakuha ng mga mahilig magpalusot. Ang leksiyon doon ay ang pagdaan ng salarin sa parusa bago ito mabigyan ng bagong pagkakataon.
Ako, maiksi ang pasensiya ko sa magnanakaw o manggagantso o nanghahambalang sa kalye, tapos nagpapalusot pa. Gusto kong barilin. May palusot din ako. Nangangati ang daliri ko. Tama ba yon?