^

PSN Opinyon

Sari-saring palusot

SAPOL - Jarius Bondoc -
NAKAKAPANGILABOT ang palusot ng cellphone snatcher nang mahuli siya ng pulis. Kaya raw hinablot ang dala ng dalagita – at sinaksak pa ito sa leeg nang manlaban – dahil kailangan lang niya ng pambili ng gamot sa na-ospital na sanggol. Gayundin ang katwiran ng babaeng nahuli sa akto ng pagtangay sa bag nang nalingat na diner sa burger joint. Pambili lang daw ng pagkain ng apat na anak na tatlong araw nang nagugutom. At gayundin ang madalas nating marinig sa mga sidewalk vendor at jeepney driver na hinuhuling nakahambalang sa daan: "Naghahanapbuhay lang naman ako."

Hindi puwedeng gawing katwiran sa krimen ang sakit o gutom o hanapbuhay. Ang krimen ay krimen. Mabigat ang batas, pero ‘yon ang batas. ‘Yon ang nagpapantay-pantay sa atin. Aba’y kung papayagang palusot ang problema ng bawat isa, ang laking gulo. Makakalaya ang nanagasa ng tao sa rasong nagmamadali siyang umuwi dahil sira ang tiyan. Mapapawalang-sala ang nanunog ng bahay sa rasong giniginaw siya. Maaabsuwelto ang kumamkam ng lupa sa rasong kursunada lang niyang gawin ‘yon, may angal ka?

‘Yang mga palusot na paawa, napupulot lang sa drama sa radyo, TV at sine. Paulit-ulit na plot na lang ang humahagulgol na katulong na humihingi ng tawad sa malupit na mayamang amo. Huwag na siyang ipa-pulis sa kinupit na P20 dahil ipinambili lang ng segunda-manong laruan ng anak. At dahil sinampal-sampal na siya ng doña, patatawarin na lang siya ng amo. Tapos, ipakakasal pa sa binatilyong anak.

Pero sa fiction lang nga lahat ‘yan. Iba sa totoong buhay, kung saan ang biktima ay may karapatan din sa hustisya, at ang buong lipunan ay may hangad na kaayusan. Bukod dito, may mga leksiyon sa drama na hindi nakuha ng mga mahilig magpalusot. Ang leksiyon doon ay ang pagdaan ng salarin sa parusa bago ito mabigyan ng bagong pagkakataon.

Ako, maiksi ang pasensiya ko sa magnanakaw o manggagantso o nanghahambalang sa kalye, tapos nagpapalusot pa. Gusto kong barilin. May palusot din ako. Nangangati ang daliri ko. Tama ba ‘yon?

BUKOD

GAYUNDIN

HUWAG

KAYA

LANG

MAAABSUWELTO

MABIGAT

MAKAKALAYA

MAPAPAWALANG

NAGHAHANAPBUHAY

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with