Problema ang basura noon pa at nakapagtatakang walang magawang pangmatagalang solusyon ang mga pamahalaan. Kaya ang nangyayariy pabalik-balik ang problema na animoy cancer. Lalo pang lumalala habang nagpapalit-palit ang mga namumuno sa MMDA. Bagamat nagsasagawa ng pagpupulong ang mga mayor sa Metro Manila, wala silang mabuong solusyon sa problema ng basura.
Nagkaroon ng garbage summit noong February ng taong ito upang talakayin ang lumalalang problema sa basura. Dumalo si President Gloria Macapagal-Arroyo subalit ang summit ay nauwi sa wala. Walang nabuong solusyon bagay na nagpabugnot kay GMA. Natapos ang summit at pawang laway ang natapon sa sahig. Noong nakaraang buwan, ipinatawag ni GMA ang mga local executives at miniting ang mga ito tungkol sa garbage problem. Wala ring nangyari sa meeting.
Kung anu-ano pa ang naisip. Hanggang sa sabihin ng Malacañang na sa Bataan itatapon ang basura. Hahakutin doon ng barge. Tinutulan ito ng mga taga-Bataan. Ayaw nilang maging basurahan ng taga-Metro Manila. Ganito rin ang nangyari noong nakaraang taon makaraang maisip ng da-ting MMDA Chairman Jejomar Binay na dalhin sa Semirara ang basura. Tumutol at nagbarikada ang mga taga-Semirara.
Lumalala ang problema sa basura at mabagal sa pag-iisip ang may responsibilidad. Mas mainam pang ang bawat mayor na lamang ang mag-isip ng solusyon at huwag nang makialam pa ang MMDA. Katulad ng ginawa ng Navotas mayor, maaaring gayahin din ito ng ibang mayor. Dapat makipag-ugnayan ang mga mayor sa barangay chairman at magsagawa ng kampanya tungkol sa tamang mga gagawin sa basura. Ipaunawa ang paghihiwalay ng mga nabubulok sa hindi nabubulok at ang kahalagahan ng composting.