Kamakailan, iminungkahi kong ilagay sa iisang detention center ang mga kidnap-for-ransom suspects habang nililitis ang kanilang mga kaso sa Korte. Ito ay upang matiyak na hindi mauuwi sa lutong Macao ang mga kaso laban sa mga ito, at tulad ng inaasahan, tila wala yatang narinig ang mga kinauukulan tungkol dito.
Katulad ng One Detention Center na una nang iminungkahi ng VACC, muli na naman nitong idinulog sa Korte Suprema, kasama ang E-Just Movement sa pangunguna ni Atty. Leonard De Vera, ang panukalang magtaguyod ng Special Courts na hahawak ng mga kaso ng kidnap-for-ransom at kidnapping and serious illegal detention.
Dahil sa paglaganap ng mga nakalulungkot at nakababahalang mga kaganapan sa ating lipunan, na kung saan maraming inosenteng mamamayan ang nabibiktima ng dahas at katiwalian, naniniwala ang VACC na kailangan nang magsagawa ng kaukulang hakbang upang matugunan ang hinaing ng ating mga kababayan. Nakapangangamba na baka dumating ang araw na sila na mismo ang gagawa ng kanilang hakbang na maaaring magpalaki lamang sa problemang pangkaayusan.
Naniniwala ang VACC at E-Just na kung bibigyan ng atensiyon ang kanilang panawagan, maiibsan ang problemang hinaharap ngayon ng pamahalaan. Bakit hindi natin subukan, Mr. Chief Justice?