Matagumpay ayon sa Malacañang subalit, paano ipaliliwanag ang mga bagong insidente ng pangingidnap na nangyari noong Lunes na isinagawa pa sa kasikatan ng araw. Habang nagmamayabang ang Malacañang, tuksong bumabanat ang mga kidnappers. Kinidnap ng apat na armadong lalaki ang 14-year old daughter ng kilalang dermatologist kamakalawa ng umaga sa Shaw Blvd. habang patungo sa school. Nakasakay sa Starex van si Angela Dee Pineda nang harangin ng mga kalalakihang sakay ng FX van.
Nang araw ding iyon, dakong alas-2:30 ng hapon, kinidnap din naman ang isang 5-year old boy sa Pikit, North Cotabato. Pinaniniwalaang kagagawan iyon ng Pentagon kidnap group. Kinidnap ang bata sa harap mismo ng mga kaklase at teacher nito. Tinangay siya ng mga lalaking nakasakay sa motorsiklo. Ang bata ay anak ng hardware store owner.
Mahirap ipaliwanag ang mga nangyayaring ito sa kasalukuyan na wala nang kakayahan ang pulisya at iba pang awtoridad na sawatain ang mga kidnappers. Paano mapapaniwala ang taumbayan na mababa ang criminality rate kung halos araw-araw ay may kinikidnap. Bukod sa pangingidnap, ang pag-atake pa ng mga magnanakaw sa banko, mall at convenient stores ay hindi mapigilan. Dapat maging makatotohanan ang pamahalaan at huwag tulugan ang mga nangyayari. Gumawa ng paraan kung paano masasawata ang paglaganap ng krimen. Pakalatin ang mga pulis sa mga kalsada, malls at magronda nang magronda. Ngayong papalapit na ang Pasko, tiyak na "mamamasko" pa ang mga holdaper, kidnaper at iba pang mga halang ang kaluluwa. Magsasabog sila ng lagim sa gitna ng pagsasaya.