Isang araw biglang dumating sa aming bahay si Pareng Tonying. May dala itong malaking supot. Nang iabot sa akin ay nasalat kong mga itlog kaya tumutol ako. Pare, kabibigay mo lang ng itlog noong isang araw. Hindi pa namin nakakalahati."
Iba yan. Di ba noong isang araw, tinatanong mo kung kami ay kumakain ng itlog. Ito ang kinakain namin. Ang tawag dito ay unang silip.
Kumuha si Pareng Tonying ng isang itlog sa supot at ipinukpok sa bangko. Kumuha ng palito at hinalo ang puti at pulang itlog.
Ito ay pinipisang itlog. Pero hindi natuloy ang pagpisa at namatay. Nalaman ko sa unang silip.
Ang alam ko e patay na manok. Ngayon lang ako nakarinig ng patay na itlog, sabi ko.
Pumunta ka minsan sa bahay at ipakikita ko, sagot ni Pareng Tonying.
Sumunod na Sabado ay sinadya ko si Pareng Tonying para makita ang pagsilip ng itlog na pinipisa. Sa kaliwa ni Pareng Tonying ay may isang tumpok na itlog at sa kanan ay iba namang tumpok. Sa gitna ay may nakasinding bombilya.
Hinawakan niya ang itlog at sinilip sa pagitan ng ilaw. May buhay ito, sabi ni Parehong Tonying. Ibinigay sa akin ang buhay na itlog at ipinasilip sa akin ngunit wala naman akong makita.
Baka kailangan mo ng stethoscope. Ang hanapin mo ay ang mga ugat. Iyon ay dugo na tanda ng buhay at magiging sisiw."
Sinilip kong muli at nakita ko nga ang mga ugat. Tiningnan ko si Pareng Tonying na pareho kaming galak na galak. Para bang sabay naming nasaksihan ang himala ng buhay ng manok.