^

PSN Opinyon

Palusot ng palpak

SAPOL - Jarius Bondoc -
Nakagigimbal ang statistics. Mula Enero hanggang Oktubre, 225 ang na-kidnap for ransom. Kung di ibibilang ang dagdag-bawas abductions ng Abu Sayyaf sa Basilan simula Mayo, 149 na ang biktima. Malala pa rin. Mahigit doble ng 73 biktima nu’ng 2000. Dinaig ang pinaka-malalang record ng 1997 na 138 biktima.

Pero nakangisi lang ang pamunuan ng PNP. Sabi ng isa, tumaas daw kasi ang dami ng nagre-report ngayon. Dala raw ito ng nanumbalik na tiwala sa pulis. Ows?

Dagdag pa ng ibang pinuno, kasalanan daw ng media. Pinalalaki lang daw ang balita gayong kokonti lang naman ang kidnappers. Panay daw ang headline tungkol sa Abu Sayyaf, halimbawa, gayong 500 lang naman daw ito sa buong Basilan. Ano? Ganon nga lang kakonti, hindi pa matunton ng 15,000 sundalo at ni hindi matunugan ng pulis sa Basilan kung sinu-sino sila. Aba’y inabot ng limang buwan bago sila makahanap ng litrato ng spokesman na si Abu Sabaya.

Pahabol din ng isa pang pinuno na lahat daw ng 105 insidente ng kidnapping ngayong 2001 ay nalutas. Talaga? E bakit hangga ngayon ay hindi pa natutunton kung sino ang dumukot sa milyonaryong DPWH district engineer sa Laguna? Bakit ni walang follow-up sa pag-ransom sa apo ni Ambassador to United Nations Alfonso Yuchengco? Kung lutas ngang lahat, bakit patuloy ang kidnapping? Bakit marami pa ring naeengganyong pumasok sa karumal-dumal na krimen na habambuhay na pagkabilanggo o lethal injection ang katapat?

Mababa ang sahod ng pulis. Kapos sa pondo at kagamitang pang-imbestiga. Kulang sa tao at mahina ang training. Naiintindihan natin ‘yan. Pero hindi ‘yan maaring maging katwiran para lumala ang krimen. Kasi kung gan’un, e di huwag na lang magkaroon ng pulis. Wala rin namang silbi. Sumusuweldo at pinopondohan, pero walang magawa.

Isa lang ang puwedeng asahan sa pulis sa harap ng dumadaming kaso ng kidnapping for ransom: Ibayong sigasig, talino at tapang sa pagtugis sa mga kriminal at pagpigil sa pagdami ng mga pusakal.

ABU SABAYA

ABU SAYYAF

ANO

BAKIT

BASILAN

DAGDAG

LANG

MULA ENERO

PERO

UNITED NATIONS ALFONSO YUCHENGCO

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with