Kahit na katirikan ng araw ay sumasalakay ang mga kriminal. Sa loob ng FX taxi ay usung-uso ang holdapan ng cellular phone. Magugulantang na lamang ang mga pasahero na ang katabi pala nila ay mga holdaper. Ngayoy mababangis na ang mga cellphone holduppers sapagkat pumapatay na.
Ang pinakasariwang pangyayari na maidaragdag sa lumalalang kriminalidad ay ang brutal na pagpatay sa premyadong aktres na si Nida Blanca. Natagpuang patay si Nida sa loob ng kanyang kotse habang naka-park sa sixth floor ng Atlanta Center building sa Annapolis St. Greenhills, San Juan, Metro Manila noong Miyerkules ng umaga. Dumalo sa isang meeting ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) at pagkaraay umalis na ito dakong alas-5 ng hapon. Natagpuan siya kinaumagahan at may labintatlong saksak sa katawan.
Wala na nga yatang lugar na ligtas na maaaring puntahan. Kaunting lingat ay kapahamakan ang masusumpungan. Mas lalo pang nagkakaroon ng pagkakataon ang mga halang ang kaluluwa sa ginagawang ningas-kugon na pagbabantay ng mga pulis. Kapag nagkaroon ng insidente o krimen saka lamang naghihigpit subalit kapag lumipas at nakalimutan na, balik sa dating gawi.
Maaaring bangag sa shabu ang pumatay kay Nida dahil sa dami ng saksak nito. Ang salot na droga ay hindi na maitatatwang nakakalat na saan mang sulok ng bansa. Pinalala nang pagprotekta ng mga pulis, government officials at pulitiko sa mga drug lord. Isang halimbawa ay ang pagkakasakote sa isang mayor kamakailan na nahulihan ng may 500 kilo ng shabu.
Hindi naman maisagawa ang parusang bitay sa mga convicted criminals sapagkat marami ang sumasalungat bagay na lalong nagpapalala sa pagdami ng mga krimen. Wala nang masulingan ang lahat dahil sa karahasan. Saan pa nga ba may ligtas na lugar?