EDITORYAL - Ibat-ibang uri ng patibong

Iba’t Ibang patibong ang nakaumang ngayon kaugnay ng mga kasong nakasampa kay dating President Estrada. Kapag may nagkamaling pumasok sa nakaumang na patibong, tiyak na ang pagdiriwang. Makaraang makapuntos sa kasong perjury si Estrada, ibang taktika ngayon ang ginagawa para maligtasan ang mga kaso lalo na ang plunder o pandarambong.

Hinihiling naman ngayon ng mga abogado ni Estrada sa Korte na magpagamot ito sa ibang bansa. Namamaga umano ang tuhod nito at nanlalabo ang mga mata. Sinabi naman ni Ombudsman Aniano Desierto na maaari namang gamutin dito ang karamdaman ni Estrada.

Mabagal ang pagdinig sa kaso ni Estrada. Hindi na ito kataka-taka sa klase ng justice system sa bansa. Kapag maimpluwensiya ang inaakusahan, kinakapitan ng lumot at inaagiw na bago madesisyunan.Wala pang matataas na opisyal ng pamahalaan na nadala sa kulungan, lalo na iyong naaakusahan ng graft and corruption. Maski si dating First Lady Imelda Marcos, na sapin-sapin ang mga kaso ay patuloy na nakapaglalagak ng piyansa at animo’y malayang ibon sa kasalukuyan.

Ganito ang nakikitang senaryo sa kaso ni Estrada. Bukod sa delaying tactics na inihahanda ng depensa, umaagaw din naman ng atensiyon ang pagbabangayan ni Sandiganbayan Associate Justice Anacleto Badoy at Presiding Justice Francis Garchitorena. Ayon kay Badoy, pini-pressure siya ni Garchitorena para mag-resign bilang chairman ng anti-graft court’s third division. Pinabulaanan naman ito ni Garchitorena.

Naging kontrobersiyal si Garchitorena makaraang hadlangan ang mga government prosecutors na ipresenta ang mga testigo sa kasong perjury na isinampa laban kay Estrada. Sinabon nito ang mga abogado at sinabing walang kahandaan. Hindi aniya nakasaad ang mga ebidensiyang ihaharap ng dalawang testigo sa original charge sheet.

Madaling isipin na walang patutunguhan ang kasong ito. Sa halip na madaliin ng Korte ang trial ay kabaligtaran ang nangyayari. Nakapagdududa na hindi na malaman ng taumbayan kung ano ba ang totoo. Ang pagkakagulo ay pumapabor naman kay Estrada sapagkat nakakakuha siya ng simpatya. Sa unang pagdinig ng kanyang kasong plunder ay dumalo si Estrada nang nakatsinelas lamang.

Ang pagsulpot ng mga patibong kaugnay sa mga kaso ni Estrada ay nararapat bantayan ng mga government prosecutors. Sa maling hakbang, baka sila ang mahulog sa patibong at tiyak na katawa-tawa kapag nabitag.

Show comments