Nawala ang kuryente dakong alas-4:45 ng hapon. Marami ang nag-isip na baka natuloy na ang matagal nang lumalaganap na tsismis tungkol sa kudeta at kaya umalis si GMA ay upang tumakas. Susmaryosep, talaga namang saksakan ng nerbiyos ang mga Pilipino lalo na at ang ilang miyembro ng ibang pamilya ay hindi pa nakababalik mula sa pagbabakasyon. Kapansin-pansin ang pagkakataranta ng marami dahil sa nangyaring blackout. Akala ay nagka-giyera na.
Mabuti na lamang at may mga radyong de baterya at gumagana pa rin ang mga telepono. Sa pamamagitan ng mga ito, nagkaroon ng pagkakataon ang mga taga-Napocor, Meralco at iba pang may kinalaman sa elektrisidad na mabigyan ng kaukulang impormasyon ang mga mamamayan. Nakatulong din nang malaki ang mga panawagan at paliwanag nina Defense Sec. Angelo Reyes, DILG Sec. Joey Lina at Energy Sec. Vince Perez.
Malaki ang pananagutan ng Napocor at Meralco sa nangyaring blackout. Responsibilidad nila ito at nagrerebelde ang mamamayan kapag nangyari muli ito. Noong nakaraang taon ay nangyari rin ito makaraang bumara ang mga dikya. Ano nga ba ang dahilan ngayon? Ipaliwanag nyong mabuti Napocor at Meralco.