Yan ang estilo ng Pinoy sa negosyo o sa propesyon. Kapag may isang nagtagumpay, ginagaya agad ng iba. At di basta gaya, tinatabihan pa at hayagang kinokompitensiya. Yan ang nangyari nung dekada-70 nang mag-click ang unang panaderya ng hot pandesal. Di naglaon, halos bawat kanto may pugon na rin ng hot pandesal.
Ganyan din ang nangyari sa Banaue Street, Quezon City. Putok sa dami ng de-kotseng dumadayo mula kung saan-saan sa isang murang tindahan ng piyesa. Di nagtagal, walong bloke na ng kalsada ang puno ng tindahan at gawaan ng kotse.
Ganyan din nauso ang shawarma at lechon-manok. Ganyan din nauso ang paglahok ng mga artistat entertainer sa pulitika.
Walang masama sa hot-pandesal style ng Pinoy sa negosyo at propesyon. Natural lang na tularan ng iba ang tagumpay ng isa. Di lang ito paghanga kundi paghalaw din ng leksiyon sa karanasan.
Sabi ng sociologists, napulot daw natin ang estilong ito sa mga sinaunang Tsino. Ganun daw magnegosyo sa ancient China. Tabi-tabi ang magkakaribal na tindahan o trabaho para nga naman isang lugar na lang ang pupuntahan ng mga parukyano. Dinala raw ng Chinese traders ang ugali sa Pilipinas nung Panahon ng Kastila. Kaya sa Ongpin, puro kainan; sa Divisoria, puro tindahan; sa Binondo, puro bodega.
Ang ayoko lang sa hot-pandesal style, hindi nauuso sa pakikipag-kapwa-tao. Sa pinagkikitaan lang umuubra. Pero sa paggagastusan o paghihirapan, hindi. Halimbawa, hindi mauso sa atin ang pag-abuloy sa charity. Gastos e. Hindi tinutularan sa atin ang pagiging matulungin sa iba. Hirap e. Kung walang makakabig, iba na lang.