Ito ang isang okasyon na hindi maaaring ipagpaliban. Kailangang ipagdiwang ang Araw ng mga Patay tuwing sumasapit ang Nobyembre 1. Ito ang mga nakasanayan na ng mga Pilipino kahit na nasaan pa sila. Hindi kumpleto ang Araw ng mga Patay kung hindi makapagtitirik ng kandila sa puntod ng mahal sa buhay sa lumang sementeryo o sa makabagong memorial park.
Nasanay na rin ang mga matatanda sa pagbabago ng kaugalian. Noong unang panahon, puro dasal at matahimik ang kapaligiran kapag dumarating ang Araw ng mga Patay. Subalit sa ngayon, parang piyesta ng bayan at mistulang karnabal ang ingay. Nawala na ang respeto sa mga yumao sapagkat kahit na puntod ay niyayapakan at imbes na pagdasalan ay ginawa ng barikan at karaoke bar.
Isa pang malaking pagbabago noon kaysa sa ngayon ay ang kawalan ng kaayusan sa pagpasok at paglabas ng libingan. Bara-bara na ngayon ang trapiko at walang disiplinang sinusunod. Kaya hindi lang murahan at suntukan ang nagaganap, barilan na ang uso sa mga panahong ito. Hindi na rin inaalintana ang pagtatapon ng basura kahit makaperwisyo sa nakararami.
Nais kong paalalahanan ang ating mga kababayan na mag-iingat sa kanilang pagdiriwang ng Araw ng mga Patay. Sana nga ay maging mapayapa, makahulugan at makasaysayan ang araw na ito sa piling ng inyong mga mahal, buhay mo o namatay na. Amen!