Tatlong Presidente na ang nagsilbi (mula nang bumagsak si Marcos noong 1986) subalit lumalang lalo at hindi malunasan ang problema sa pabahay. Noong panahon ni Marcos ang palakasan sa mga murang pabahay ng gobyerno ay namayani. Sa mga itinayong housing projects ay mga maykaya rin sa buhay ang nakinabang, samantalang ang mga walang-wala ang patuloy na naiwan sa kangkungan. Maraming teachers, pulis at mga mahihirap na empleado ng gobyerno ang walang masabing sarili.
Ang iba pang mga low-income families ay nanatiling umasa na magkakaroon ng sarili subalit lumipas ang maraming taon wala ring nangyari sa kanilang inaasam. Maramot ang pagkakataong magkaroon ng sariling tahanan. Inagaw ng kung-anu-anong problema at mga katiwalian sa pamahalaan.
Sa kasalukuyan, lalong lomobo ang mga Pilipinong walang sariling tahanan at ang problemang ito ang hinaharap ng gobyerno ni President Gloria Macapagal-Arroyo. Maganda namang malaman na may vision sa mga walang bahay ang kasalukuyang administrasyon. Ayon kay Housing Secretary Michael Defensor, tinatarget ng pamahalaan na makapagpatayo ng 300,000 bahay sa bawat taon. Mayroon na umanong naipatayong 159,927 bahay ang pamahalaan noong Agosto ng kasalukuyang taon.
Isa sa mga pangunahing problemang dapat durugin ng pamahalaan ay ang red tape na nagiging sagabal sa pag-usad ng housing program para sa mga mahihirap. Ang problemang ito ay binigyang-diin din ni opposition Sen. Tessie Aquino Oreta. Kailangan aniyang mabawasan ang red tape upang maging epektibo ang shelter program para sa taumbayan.
Isang problemang idinulog ng isang mambabasa ng Pilipino Star NGAYON mula sa Pasig City ay ang kawalan umano nang mapagtatanungan kung paanong ang katulad niyang mahirap ay makakukuha ng murang pabahay mula sa gobyerno. Anu-ano raw ba ang kinakailangan para siya mabiyayaan. Hinihiling niyang sana raw ay maglathala sa pahayagan ang Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC) nang mga patakaran at mga dapat gawin. Naghahanap siya ng kasagutan kay Secretary Defensor.