Palpitations

Ito ay ang mabilis at iregular na pintig ng puso na nararanasan kapag may ginagawang pinagbubuhusan ng lakas at kapag ang isang tao ay nagagalit, nagugulumihanan o natatakot. Makadarama ng pagbigat sa dibdib na bahagyang nakaaalarma subalit ang mga nakararanas nito ay hindi naman dapat agad mabahala. Karaniwang ito ay harmless. Gayunman, kung ang palpitations ay madalas na nangyayari, kailangan nang magpakunsulta sa doktor. Kapag may suspetsang may abnormalidad, kailangang sumailalim na sa diagnostic examinations.

Nagkakaroon ng palpitations dahil sa mga sumusunod: Pagkapagod, overactive thyroid gland, sobrang pag-take ng caffeine at alcohol at maaaring dahil sa pagka-alergic sa pagkain. Ang pagkain ng mga madadahon at berdeng gulay at mga pagkaing butil na mayaman sa magnesium ay makatutulong para maiwasan ang palpitations.

Bawasan ang pag-take ng caffeine at nicotine upang mapababa ang insidente ng palpitations.

Upang malaman kung ang palpitations ay abnormal, tatanungin ng doktor ang pasyente kung ano ang dahilan nang pagkakaroon nito, ito ba ay dahan-dahan o biglaang nararanasan; ang tibok ba ng puso ay mabilis at iregular. Kung ang palpitations ay naranasan kasabay ng ibang sintomas tulad ng pananakit ng dibdib, pangangapos ng paghinga, panghihina, pagkapagod at panlalambot, maaaring may serious condition na kailangang malaman ng doktor. Kailangang kunin ng doctor ang medical history ng pasyente at pagkaraa’y isailalim sa physical examination o diagnostic tests tulad ng electrocardiography, exercise tolerance test, X-ray tests, Echocardiography, Magnetic Resonance Imaging, Coronary Angiography at Cardiac Catheterization.

Show comments