Nasugatan sa kanang tuhod ang isang trabahador na nakilalang si Brando. Dinala siya sa ospital at binigyan ng first aid upang tumigil ang pagdurugo. Pagkaraan ay inilipat siya sa ibang ospital upang operahan dahil may tinamaang ugat. Pagkatapos ng tatlong oras na operasyon, namatay si Brando.
Samantala, napag-alaman na si Waldo ang bumaril kay Brando. Siyay nakasuhan at napatunayang nagkasalang pumatay kay Brando. Inapela niya ang desisyon. Sinabi niyang wala siyang kasalanan sa pagkamatay ni Brando. Tinamaan lang daw ito sa tuhod na hindi naman nakamamatay. Ang ospital daw ang may kasalanan kung bakit namatay si Brando. Pinabayaan daw ito ng mga doktor. Tama ba si Waldo?
Mali. Wala namang naibigay na ebidensiya si Waldo na naging pabaya ang mga doktor ng ospital. Ang pagkakaantala ng paggamot kay Brando ay hindi nakaputol ng koneksiyon ng pagbaril dito ni Waldo. Ang pinakamalapit na sanhi ng pagkamatay ni Brando ay ang pagbaril pa rin ni Waldo. Sinumang makasakit sa kapwa ay mananagot sa lahat ng kahihinatnan ng kanyang maling nagawa tulad ng pagkamatay ng nasaktan. Hindi maaaring makaiwas ang suspect dahil lamang sa pagtuturo ng ibang sanhi ng pagkamatay. Kung ganito ang magiging patakaran maraming makalulusot sa pananagutan.
Sampung taon hanggang 15 taon, 10 buwan at isang araw sa kulungan ang parusa kay Waldo. Magbabayad din siya ng P50,000 sa mga naiwang kamag-anak ni Brando. (People of the Philippines vs. Acuram G.R. No. 11954 April 27, 2000)