Total ban sa DH sa Middle East

I-ban na ang pagpapadala ng mga domestic helper sa Middle East. Ito na siguro ang dapat gawin ng gobyerno para mailigtas sa anumang panganib ang mga Pinay na gustong magtrabaho roon bilang mga domestic helper.

Maraming Pinay DH ang dumarating sa NAIA araw-araw na bugbog sarado dahil sa kagagawan ng kanilang mga amo. Ang iba naman ay nagagahasa samantalang ang iba ay hindi binibigyan nang tamang suweldo.

Isa sa pinakamatinding problema ng mga DH sa Middle East ay ang contract substitution na binabalewala ng ating gobyerno. Hindi ito mabigyan ng lunas ng gobyerno para maiayos ang matagal nang reklamo ng mga DH sa Middle East.

Hindi malimutan ng mga kuwago ng ORA MISMO si Roy Seneres, dating labor attache noong 1987. Hiniling nito sa gobyerno ang total ban ng deployment ng DH sa Middle East porke nakita nito ang mabigat na problemang nangyayari sa ating mga kababayan. Di ba, Senate President Franklin Drilon, Your Honor!

Walang nangyari sa gusto ni Seneres porke nagalit at nagmatigas ang Saudi. Tinakot ang Pilipinas at sinabing lahat ng OFWs ay hindi nila papayagang tumuntong sa kanilang bansa.

Ano ang magagawa ng Pinas na walang kakayahang kontrahin ang gusto ng Saudi? Eh, di, muling sumipsip.

Ngayon ay naiba ang ihip ng hangin. Iba na ang gobyerno. Ano kaya ang magagawa ng Pinas para sa inaaping DH sa Middle East?

‘‘Palagay ko wala!’’ Sagot ng kuwagong mandurugas.

‘‘Pinangungunahan mo na naman kasi ang gobyerno,’’ sagot ng kuwagong naghuhukay ng kanyang sariling libingan.

‘‘Eh, hindi naman POEA at DOLE ang nagsabing magtrabaho sila sa Middle East.’’

‘‘Sa palagay mo ba mabibigyan ng gobyerno ng trabaho ang mga taong ito?’’ tanong ng kuwagong SPO-10 sa Crame.

‘‘Sa palagay ko, hindi ko problema iyan.’’

‘‘Kanino?’’

‘‘Eh, di kay DOLE Secretary Pat Sto. Tomas!’’

‘‘Korek ka diyan, kamote. He-he-he!

Show comments