Hindi lamang dito sa Metro Manila, sunud-sunod ang ginagawang pangingidnap. Maski sa Mindanao ay ganito rin ang nangyayari. Kinidnap noong Miyerkules ng gabi ang Catholic priest na si Fr. Giuseppi Pierantoni, 44. Kumakain ng hapunan si Father Pierantoni nang 15 kalalakihang armado ang puwersahang pumasok sa kumbento at kinaladkad siya palabas patungo sa isang naghihintay na pump boat. Bago umalis, nagpaputok pa ng baril ang mga kidnappers na pinaghihinalaang mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF). Malaki naman ang hinala ng military na mga bandidong Abu Sayyaf ang dumukot kay Father Pierantoni.
Tinangka umanong habulin ng mga pulis ang mga kidnappers subalit mabilis umano ang pumpboat at nawala ito sa dilim. Naiwang nakanganga ang mga pulis sapagkat wala silang sasakyang kasimbilis ng pumpboat. Naglunsad na umano ng operasyon ang militar para hanapin ang mga abductors at bawiin si Father Pierantoni.
Noong nakarang linggoy nagpalabas ng travel advisory ang United States na nagbabawal sa mga Amerikano na pumunta sa Mindanao. Nasaktan ang gobyerno at sinabing hindi tama ang travel advisory ng US. Pinababawi ang ipinahayag. Ngayong sunud-sunod ang kidnapping, maitatanggi ba ang katotohanang delikado na nga ang magtungo sa Mindanao dahil sa kalubhaan ng pangingidnap. Hindi pa napuputulan ng sungay ang mga Abu Sayyaf at maraming sutil na rebeldeng MILF na naghahasik ng kaguluhan. Hindi masisisi si Uncle Sam na pagbawalan ang mga mamamayang Amerikano. Maging dito sa Metro Manila ay hindi ligtas at gaano pa sa Mindanao. Kahit na hindi pa sumisingaw si Osama bin Laden, delikado na ang Mindanao.
Ipinaapura na ni GMA ang pag-review sa mga convicted kidnappers upang mabitay na ang mga ito. Sanay totoo na ito at hindi banta lamang upang makapagpakita ng simpatya sa mga negosyanteng Intsik. Tuparin ang banta. Putulin ang kasamaan ng mga kriminal.