Pati ang House of Representatives ay pinagsususpetsahan ding aatakehin ng anthrax. Kamakalawa, isang empleyadang babae sa tanggapan ni Rep. Patrick Kennedy, ang sinuri dahil nagkaroon ito ng skin rash. Hindi sinabi kung kasamang kinunan ng anthrax skin test si Kennedy.
Marami ang nag-aalala sa kalagayan ng mga Amerikanong senador at kongresista dahil sa pagkalat ng anthrax. Maganda kasi at epektibo ang ginagawa ng mga Amerikanong mambabatas. Tulung-tulong sila roon sa pagbibigay ng suporta sa kanilang gobyerno sa pakikipaglaban sa terorismo.
May nagtanong sa akin ng ganito. May mga malulungkot kaya kung ang Senado ng Pilipinas ang atakehin ng anthrax? Ewan ko! Ang alam ko, marami ang may gusto na mawala na ang Senado dahil wala na itong silbi sa bayan. Ano ang mangyayari sa mga senador? I-aabsorb na lang sila ng NBI at PNP bilang mga imbestigador!