Sa himig ng pananalita ni GMA, wala nang makapipigil sa kanya kahit na tumutol ang Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) at iba pang pro-life group. Ang nangyayaring talamak na kidnapping ay banta na sa seguridad ng bansa. Dahil dito kaya wala nang magtungong foreign investors at mga turista sa takot na makidnap. Pinalala pa ang pagkatakot nang sunud-sunod na mangidnap ang mga bandidong Abu Sayyaf na hanggang ngayoy hindi madurog ng militar.
Sa matigas na pasya ni GMA na bitayin ang mga kidnappers, tila nawala naman sa kanyang imahinasyon ang karumal-dumal na ginagawa ng mga drug traffickers na mas masahol pa siguro sa ginagawa ng mga walang kaluluwang kidnappers. Bakit hindi muna unahing bitayin ang mga drug traffickers upang malipol na ang mga salot sa bansang ito. Araw-araw ay may nagaganap na malalagim na krimen tulad ng panggagahasa, pagpatay at pagnanakaw na isinisisi dahil sa pagkasugapa sa shabu. Kung hindi uunahing "turukan" ang mga drug traffickers, hindi mapipigil ang pagkasira ng kabataan dahil sa pagkalulong sa shabu.
Ngayong nabulgar na hindi lamang pala mga pulis kundi pati mayor ay sangkot sa pagtutulak ng droga, dapat maging makatotohanan si GMA kung sino ang nararapat unahing "turukan". Nasakote ng mga mabubuting pulis at NBI noong Sabado ng hapon si Panukulan, Quezon Mayor Ronnie Mitra at isang Chinese habang ibinibiyahe ang may 500 kilo ng shabu. Ginamit pa ni Mitra ang government ambulance para ibiyahe ang shabu. Nasa panganib na ang bayan o ang bansa na pati mayor na inihalal ng taumbayan ay nagtutulak ng shabu.
Mas matindi pa sa mga kidnappers ang mga drug traffickers at ang mga ito ang nararapat unahing turukan. Ngayon na Mrs. President, kung nais mailigtas ang bansang ito sa pagguho dahil sa mapaminsalang shabu.