Napilitan si Ochoa, 38, ng E-35 Ayungin St., Kapitbahayan, Navotas, na dalhin sa Korte ang kaso dahil wala umanong ipinakitang interes sina Isidro Pre, chief ng auction section and cargo disposal ng MICP at Joni Balindong, examiner ng naturang opisina, na ibalik ang perang pinaghirapan niya.
Naniniwala si Ochoa na kung nagawa siyang lokohin nitong sina Pre at Balindong, maaaring marami pa silang nabiktima. Kaya hinihikayat ni Ochoa ang mga nabiktima pa ng dalawang BOC officials na lumantad at magsampa rin ng kani-kanilang reklamo para mabigyan ng leksiyon sina Pre at Balindong.
Sa kanyang sinumpaang salaysay sa pulisya, sinabi ni Ochoa na bilang cargo forwarder, trabaho niya ang paglakad ng bill of lading at packing list ng mga shipment ng kanyang opisina.
Noong Hunyo 19, 2000 matapos mag-submit ng kaukulang papeles sa kanyang kargamento, nagulat si Ochoa nang ayaw palabasin sa MICP ang kanyang shipment sa kadahilanang may laman umano itong contraband items ito. Nagtungo si Ochoa sa law division ng MICP kung saan iminungkahi sa kanya na i-redeem na lamang niya ang kargamento.
Itinuro si Ochoa ng kanyang nakausap kina Pre at Balindong na nakipag-negotiate sa kanya noong Hunyo at Hulyo ng nakaraang taon. Nangako ang dalawa na ipalalabas nila ang kargamento ni Ochoa kung magbibigay siya ng P240,000 paunang bayad at P650,000 matapos mailabas ang cargo.
Sa kanyang pagtitiwala kina Pre at Balindong, nagbigay si Ochoa ng halagang P240,000 sa tatlong hulog. May ebidensiya si Ochoa na nagbigay nga siya ng pera sa dalawang BOC officials.
Subalit namuti ang mata ni Ochoa sa kahihintay sa paglabas ng kargamento. Kapag inuurirat naman niya sina Pre at Balindong ukol sa problema palaging pinagkibit-balikat na lamang ng mga ito ang kanyang mga katanungan lalo na kapag hinihingi niyang ibalik na lamang ang kanyang pera.
Matapos ang mahabang panahon, isinugal ni Ochoa ang kanyang negosyo ng magsampa siya ng kasong estafa laban kina Pre at Balindong. Alam niya lalong pag-initan lamang siya ng dalawa at mga kasamahan nito sa BOC subalit ayaw ni Ochoa na mawala na parang bula ang kanyang pinaghirapang pera.
Naniniwala ako na hindi lamang si Ochoa ang forwarder na nabiktima nitong sina Pre at Balindong. Kaya lang siguro ayaw nilang lumutang dahil na rin sa takot na madamay pati ang pinagkakakitaan nila.
Ayon sa imbestigador na si SPO2 Marion Salonga, ng General Assignment Section (GAS) ng Western Police District (WPD) iimbitahan niya sina Pre at Balindong sa kanyang opisina para dinggin naman ang panig ng mga ito. Sana maging ehemplo itong kaso ni Ochoa para naman tumino ang ilan pang BOC official na naliligaw ng landas. Abangan.