EDITORYAL - Handa ba tayo sa anthrax attack?

Labindalawang katao na sa United States ang nabibiktima ng anthrax bacterium at pinaniniwalaang marami pang kaso ang lulutang. Nagsimula ang takot sa Florida makaraang mamatay ang isang newspaper photo editor noong October 5 dahil sa respiratory anthrax. Mula sa Florida, kumalat ito sa New York at Reno, Nevada. Ipinadaan ang nakamamatay na bacteria sa letter. Kakatwang ang mga letter ay sa mga media offices ipinadala. Isang letter na ipinadala sa New York Times ang positibo sa anthrax samantalang ang isa pang letter ay ipinadala naman sa isang anchorman ng NBC. Ang Microsoft office ay nakatanggap din ng sulat na galing naman sa Malaysia at positibo rin sa anthrax. Malaki ang paniniwala ng mga health officials na ang 12 katao ay biktima ng bioterrorism.

Sa kabila na nagsasaboy na ng takot ang anthrax sa US, Australia at Britain, wala namang malinaw na pagpapahayag ang Department of Health (DOH) kung ano ba ang mga gagawing pag-iingat sakalit dumating sa Pilipinas ang kinatatakutang bacteria. May mga inihahanda na bang mga precautionary measures ang mga taga-DOH sa atake ng anthrax?

Sinabi ni Health Secretary Manuel Dayrit na luma na ang anthrax cases sapagkat matagal na itong tumatama sa mga kalabaw, baka, kambing at iba pang hayop sa bansa. Noon pa aniyang 1999 ay may mga kaso ng naitala sa mga hayop na kinapitan ng anthrax at namatay samantalang may mga tao nang dinapuan ng bacteria makaraang makakain ng karneng kontaminado. Ang iba ay natalsikan naman ng dugo ng hayop na kontaminado ng anthrax. Hindi naman umano namatay ang mga tao sapagkat nabigyan agad sila ng antibiotic.

Nararapat magbigay ng payo ang DOH sa taumbayan kung ano ang mga nararapat gawin. Ngayong sa sulat pinadadaan ang bacteria, hindi malayong may makalusot sa mga ito (dahil sa kaluwagan) at magigising na lamang tayong nababalot ng sindak.

Kamakailan lamang, isang misteryosong flu virus ang nambiktima sa mga estudyante sa mga private schools. Nag-panic ang mga magulang at hindi malaman ang gagawin dahil ang kanilang mga anak na ang nasasangkot. Sinabi ng DOH na simpleng flu virus lamang ang dahilan niyon. Pero paano kung totoong anthrax na ang sumalakay? Ano ang gagawin ng DOH para mabigyan ng babala ang taumbayan. Ngayon pa lamang dapat ay kumilos sila at pag-aralan kung paano malalabanan ang pag-atake ng tahimik na kalaban. Makipag-ugnayan sa mga taong may kasanayan o expertise sa anthrax.

Show comments