Ang hindi ko maarok ay kung bakit pinalalabas nila na masama para sa isang peryodistang magtrabaho sa gobyerno. Dahil siguro malisyoso ang isip nila. Sa kanilang palagay, kapag tumanggap ng posisyon ang isang kolumnista, suhol na agad iyon. Natapalan na agad ang mata niya sa kabulukan sa gobyerno, natakpan na ang tenga sa hinaing ng bayan, nabusalan na ang bibig sa pagsiwalat ng katotohanan.
Abay hindi ganoon yon. May pumapasok sa gobyerno, peryodista man o hindi, sa hangad na magsilbi. Miski maliit ang suweldo at mabigat ang trabaho, bitbit ang talinot karanasan sa pagpapaandar ng ahensiya at pagpapabuti ng kalagayan ng mamamayan. Kaya nga may mga doktor na sumasama sa Department of Health, mga engineer na nagtitiyaga sa Department of Public Works, mga abogado na nagsisilbing piskal o huwes miski delikado sa buhay.
Ang nag-iisip na lahat ng nasa gobyerno ay kawatan, malamang ay tunay na kawatan. Di bat yan ang angal ng mga dating kasamahan ni Rivero sa radyo? Nang mapuwesto raw ito sa PCSO nung Marso, inipit ang mga kontratat singilin nila sa radio-TV ads. Kumikil daw si Rivero ng 50 porsiyento para lakaring maaprubahan ang mga kontrata, at 15 porsiyento para asikasuhing mapirmahan ang mga tseke.
Alam ni Angara na mali ang pananaw na kahit sinong pumasok sa gobyerno ay naghahanapbuhay lang. Kaya nga nagtago siya sa likod ni Rivero. Ayaw niyang matanong siya kung bakit siya nag-senador. Baka akusahan siyang pinagtatakpan lang ang pag-akda ng kanyang law firm, nung panahon ni Marcos, ng pagsingil ng ngayoy nawawalang coconut levy sa mga mahihirap na magsasaka.