Patuloy ang pagkalat ng shabu sa kabila na nabulabog ang mga drug traffickers dahil sa pagbubunyag nina Mary Ong alyas Rosebud at Angelo Mawanay alyas Ador. Ang pagbubunyag ay lalo lamang nagpatapang sa mga salot na magpakalat pa ng mga shabu.
Isang halimbawa rito ay ang pagkakahuli sa isang town mayor sa Quezon noong Linggo habang ibinibiyahe ang may 500 kilo ng shabu. Ang mayor ay si Ronnie Tena Mitra ng Panukulan. Kasamang nahuli ni Mitra ang isang Chinese national at ang tatlo pa niyang tauhan. Ang matindi pa, ginamit ng pambiyahe ng shabu ang isang ambulansiya para hindi matunugan ng mga awtoridad. Nakabuntot naman sa ambulansiya ang Starex van na sinasakyan ni Mitra kasama si Willie Yao at ang mga bodyguard na sina Javier Morilla at Roel Dequilla. Nahuli sina Mitra sa isang barangay sa Real, Quezon. Ang nakumpiskang shabu ay nagkakahalaga ng P1 bilyon.
Ngayoy nakatatakot nang hindi lamang pala mga corrupt na opisyal at miyembro ng Philippine National Police ang sangkot sa droga gaya ng ibinunyag nina Rosebud at Ador. Pati pala mayor ay tulak na rin ng droga. Nakatatakot na ang nangyayaring ito at kailangan pang paghusayan ng mga natitira pang mabubuting pulis ang paghuli sa mga salot.
Ang pakikiisa ng taumbayan ay mahalaga rin para tuluyan nang madurog ang mga drug traffickers. Isuplong ang mga corrupt na mayor, gobernador na kumukupkop sa mga drug lords at sumampol naman ang gobyerno para may "maturukang" tulak ng shabu. Kung hindi ngayon, kailan pa?