Panlilinlang nina Lacson at Rivero

Ang basehan ng expose ni Sen. Panfilo Lacson ay nagmula sa dating media consultant ng PCSO na si Robert Rivero. Ngunit kung totoo ang mga balitang tinanggal daw ito sa PCSO dahil sa katiwalian, hindi ito maituturing na isang testigong may kredibilidad. Dagdag pa rito, ang asawa ni Rivero ay balitang empleyado sa tanggapan ni Lacson bilang media relation officer.

Nauugnay din si Rivero sa mga suspected drug lord na sina Alfredo Tiongco at Florencio Pareña. Sa katunayan, nakulong pa si Rivero dahil sa kasong libelo na isinampa sa kanya ni dating Bulacan Gov. Obet Pagdanganan na siyang nagbunyag ng pagtutulak ng droga nina Tiongco at Pareña.

Ang expose ni Lacson laban kay First Gentleman Mike Arroyo pati na rin kina Senators Juan Flavier at Joker Arroyo ukol sa nasabing anomalya sa PCSO ay isang mapanlinlang na paraan upang mabaling ang atensiyon ng Senado at sa imbestigasyong isinasagawa laban sa kanya na isinampa ng ISAFP at PNP-CIDG.

Sa dami ng reklamong hinaharap ngayon ni Lacson, marahil ay natural lamang na gumawa ito ng paraan upang hindi ito madiin at punahin ng lipunan.

Bilang pagpapatunay ng kanyang pagiging maginoo at isang taong may sariling paninindigan, dapat na linisin muna ni Lacson ang kanyang pangalan sa Senado bago ito magbigay ng mga balitang nakasisira naman sa katauhan ng iba.

Sa kasalukuyang kinalalagyan ni Lacson, hindi na kataka-taka ang pagkukumahog nitong makabawi ng ilang puntos, kahit na sa isang maruming paraan sa pag-akusa nito sa First Gentleman. Ang ginawang akusasyon ni Lacson ay isang malinaw na pagpapakita ng diversionary tactics, sa pag-asang malilinis niya ang kanyang sarili sa pamamagitan ng marumi at mapanlinlang na pamamaraan.

Show comments