Pumasok sa patibong ang Senado at agad kumalkal na wala namang matibay na pinanghahawakan ang mga nag-aakusa. Puro laway ang tumapon sa suwelo ng Senado. Nasayang tuloy ang mga oras na sanay naiukol sa mga mahahalagang gawain para sa taumbayan. Wala pang naipapasang batas ang mga senador.
Ngayoy ang imbestigasyon naman kay First Gentleman Mike Arroyo ang pinagtutuunan ng pansin ng Senado. Isa na naman bang patibong ang papasukang ito na wala ring kahahantungan sa dakong huli. Isa na namang pagsasayang ng oras sapagkat walang lalabas na katotohanan.
Sinimulan kahapon ng Senado ang imbestigasyon sa First Gentleman kaugnay sa pagkakasangkot nito sa P50-milyong bribery case para mabigyan ng prangkisa ang dalawang telecommunications company. Una nang nilinis ang pangalan ng First Gentleman sa kasong ito na ibinulgar naman ni dating correspondence secretary Bing Rodrigo.
Sa isang linggo ay haharapin naman ng First Gentleman ang akusasyon sa umanoy misuse ng P250-milyong pondo ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO). Pinasabog ito ni Sen. Panfilo Lacson sa kanyang talumpati at ibinunyag ang "Department of Underground" na pinamumunuan ng First Gentleman Mike Arroyo. Ginamit umano ang pondo sa kandidatura ng apat na senatorial candidates. Ang anomalya ay ibinulgar ni Robert Rivero, dating PSCO consultant.
May aral na ang senado sa ginawang imbestigasyon kay Lacson na walang nangyari dahil walang maipakitang ebidensiya ang mga nag-aakusa. Ngayoy pinangangambahang ganito rin ang mangyayari. Magsasayang na naman ng oras ang mga senador at walang makikitang katotohanan ang taumbayan.