Bisor na pabaya sa tungkulin

Si Adel ay supervisor sa isang gasoline company. Dahil sa hindi tamang pangangasiwa, napabayaan ng dalawa niyang tauhan na magpalit ng langis na pumapasok sa tangke ng kompanya hanggang sumobra ito ng 300 bariles. Dahil dito sinuspinde si Adel ng tatlong buwan.

Kinuwestiyon ni Adel ang pagkakasuspinde sa kanya. At habang iniimbestigahan pa siya, nalaman muli ng kompanya ang iba pa niyang katiwalian. Nagdala pa siya ng dalawang bar girls sa loob ng kompanya na pinakilala niyang kamag-anak niya. Napag-alaman din na nilikot niya ang mga maseselang kagamitan at instrumento ng kompanya na ikakasabog ng plantang maaaring magdulot ng kapahamakan sa buong paligid. Dahil dito, tinanggal sa trabaho si Adel dahil sa pagkawala ng tiwala.

Nagsampa ng reklamo si Adel sa NLRC. Ikinatwiran niyang ang pagkakatanggal sa kanya ay illegal. Sinabi niyang ang mga sunud-sunod na reklamo at imbestigasyon sa kanya habang suspendido siya ay pawang harassment lamang. Tama ba si Adel?

Mali.
Ang kanyang suspension at pagkakatanggal ay legal. Ang pagsuspinde sa kanya dahil sa padaskol na paggamit ng mga maselang instrumento ng dalawa niyang tauhan ay sanhi ng kanyang kapabayaan sa pangangasiwa. Makatwiran lang na suspindihin siya dahil nag-iingat lang ang kompanya sa maaaring pinsalang mangyari sa kapaligiran.

Ang pagtanggal sa kanya dahil sa pagkawala ng tiwala ay tama rin. Sa kanyang pagkalikot sa mga maselang kagamitan, nilagay niya sa panganib ang kompanya at ang kapaligiran sa malaking kapahamakan dahil sa pagsabog at sunog.

Ang isang empleyadong may maselang posisyon ay maaaring tanggalin dahil sa kawalan ng kumpiyansa. Kapag may batayan ang kompanya upang mawalan ng tiwala sa isang empleyadong may hawak ng mabigat na responsibilidad, siya’y maaaring patalsikin sa trabaho (Deles Jr. vs. NLRC G.R. No. 121348 March 1, 2000).

Show comments