Makikita natin ang determinasyong ito nang aprubahan ng kanilang Kongreso ang $40 bilyon emergency package upang pondohan ang military forces. Dinoble ang pondong kahilingan ng kanilang Presidente. Ibig sabihin nito, ang Land of the Free na may demokratikong proseso, na mapayapang namumuhay ay lalahok na sa giyera upang protektahan ang kanilang pinuhunang kapayapaan.
Kahit sa anong anggulo, pag-aralan, ang Amerika na may diplomasyang pamamaraan ng pagresolba sa problema, ay pinepersonal na rin ang laban dahil sila ay patraydor na tinira ng mga terorista. At sa galit, pati ang mga bansang nagkukupkop sa mga terorista ay idadamay na rin nila sa giyera.
Sa Pilipinas naman, mayroon din tayong sariling giyera laban sa teroristang Abu Sayyaf. Mayroong kidnapping, massacre, pagpatay sa mga pari at madre. Kung ginagawa ito ng Amerika upang ipakita sa buong mundo na hindi sila maaaring hiyain, traidurin, bastusin, o guluhin, gawin din natin ito sa mga nanggugulo sa atin. At kung kailangan natin ang tulong ng Amerika para magawa ito, kunin na natin. Ang labang ito ay laban sa terorismo, Pilipino man o Amerikano.