Isinalaysay sa atin ni Lukas ang pagsugong ito (Lk. 9:1-6).
"Tinawag ni Jesus ang Labindalawa at binigyan sila ng kakayahan at kapangyarihang magpalayas ng mga demonyo at magpagaling ng mga karamdaman. At sinugo niya sila upang ipahayag ang paghahari ng Diyos at magpagaling ng mga maysakit. Silay pinagbilinan niya: Huwag kayong magbaon ng anuman para sa inyong paglalakbay kahit tungkod, supot, tinapay, salapi o bihisan. Makituloy kayo sa alinmang bahay na tumanggap sa inyo, at manatili roon hanggang sa pag-alis ninyo sa bayang iyon. At sakaling hindi kayo tanggapin, umalis kayo roon, at ipagpag ninyo ang alikabok ng inyong mga paa bilang babala sa kanila. Kayat humayo ang mga alagad at naglakbay sa mga nayon, na ipinangangaral ang Mabuting Balita at nagpapagaling ng mga maysakit sa lahat ng dako."
Ang misyon ng mga alagad ay may tatlong bahagi. Kailangang ipahayag nila ang paghahari ng Diyos. Kailangang magpalayas sila ng mga demonyo. At kailangang magpagaling sila ng mga maysakit. Ang pagtanggap sa paghahari ng Diyos ay magbubunga sa mga puso ng mga tao ng pagmamahal sa Diyos, at pagmamahal at paglilingkod sa kapwa-tao.
Silay nabigyan ng kapangyarihang magpalayas ng demonyo. Napapalaya ang mga tao. Hindi na sila nasa ilalim ng kapangyarihan ng kasamaan. Yaong mga maysakit ay mapapagaling. Lahat ng ito ay ang pagtatatag ng paghahari ng Diyos o kaharian ng Diyos.
Ang mga alagad ay tinagubilinan na maging simple sa kanilang pananamit. Pinagsabihan sila na sumalalay sa kabutihang-loob ng Diyos. Ibibigay sa kanila ng Diyos ang lahat ng kanilang kailangan, habang kanilang itinataguyod ang paghahari ng Diyos.