Pero paano ba giyerahin ang terrorists? Hindi naman puwedeng basta bombahin ng US ang Kabul. Maraming mamamatay na civilians. Matutulad lang ang US sa mga nang-hijack ng commercial airlines para ibunggo sa buildings sa New York at Washington.
Bukod doon, wala naman sa Kabul si Bin Laden, mastermind ng terorismo nung Setyembre 11. Nagtatago siya sa isa sa halos 120 kalat-kalat na kuweba sa southern Afghanistan na tinuturing ng Taliban na mini-headquarters. Papasukin ba ng US commandos ang bawat kuweba para hanapin at kuwelyuhan si Bin Laden? Naku, maraming mamamatay na sundalong Amerikano sa ganyang operasyon walang pinagkaiba sa libu-libong napatay na sundalong Ruso sa 20-taong occupation.
Hindi naman isusuko ni Taliban supreme head Mohammad Omar si Bin Laden. Malaki ang utang na loob niya rito. Pinondohan ni Bin Laden ang paglaban sa Russia, at patuloy na pinopondohan ang Taliban. Bukod dito, magkamag-anak na sina Omar at Bin Laden. Nagpalitan sila ng panganay na anak na babae para asawahin.
Sakaling mahuli nga ng US si Bin Laden, tapos na ba ang giyera? Sabi ni Bush, uubusin niya lahat ng Islamic terrorists. Limang foundation ni Bin Laden ang nagpapatakbo ng 30 terrorist groups sa 110 bansa. Daang-libo ang panatikong kasapi. Sa Afghanistan pa lang, 10,000 ang mujahedin na galing sa ibat ibang bansa; kalahati nito ay loyalists ni Bin Laden. Susuko ba sila kay Bush kapag mahuli si Bin Laden?
Mukhang napasubo si Bush sa pagdeklara ng giyera laban sa lahat ng international terrorists. Mukhang mali ang plano. Pero paano?