Ang bumagsak na Estrada administration ay isang magandang halimbawa ng gobyernong nabalot ng corruption. Namayani ang kanyang mga kaibigan, kamag-anak, at kumpare. Labis ang pagsasamantala. Naiwan sa kangkungan ang mga mahihirap na pinaasa ni Estrada. Ngayot nahaharap sa maraming kaso si Estrada. Naka-hospital arrest siya at bagamat umuusad naman ang kaso, marami rin naman ang naniniwala na walang kahihinatnan ang kanyang mga kasong may kinalaman sa corruption. Sino na bang mataas na opisyal ng pamahalaan ang nakulong dahil sa corruption? Wala pa. Tanging ang mga maliliit na empleado na nagnakaw ng kakarampot na pera ang nakakulong. Ang batas dito sa Pilipinas ay mabagsik lamang sa mga nahuhuling maliliit na insekto subalit hindi magawang maipakulong ang mga dambuhala.
Hindi dapat manghina ang Arroyo administration sa pagbaka sa mga corrupt sa pamahalaan. Ang ginawang pagre-resign noong nakaraang linggo ni Eufemio Domingo bilang chairman ng Presidential Anti-Graft Commission ay hindi dapat maging dahilan para maapektuhan ang pagdurog sa mga corrupt. Lalo pang paigtingin ang kampanya. Nagresign umano si Domingo sapagkat hindi kayang magtrabaho sa isang "high tension job".
Dapat ay hindi na magkamali si GMA sa pagpili ng bagong PAGC chairman. Siguruhin niyang ang mamumuno rito ay may kakayahan at matigas ang paninindigan laban sa mga kawatan. Kung walang gulugod ang kanyang mapipili walang katapusan ang pamamayagpag ng mga corrupt. Kawawa ang bansang ito. Tulad ng Amerika na umaasang mananalo laban sa mga walang kaluluwang terorista dapat ay ganito rin ang isipin ng Arroyo administration. Durugin ang mga corrupt!