Smear campaign ba o katotohanan?

Ang sinasabi ni Sen. Ping Lacson ay smear campaign daw ang ginagawa ng administrasyon sa kanya at sa mga presidentiables. Sa katunayan, ang susunod na bibiktimahin daw ng smear campaign na ito ay si Education Sec. Raul Roco. Ang kahinaan ng argumentong ito ay ang tibay ng mga testimonya at ebidensiyang inihahayag. Marami pa rin sa Pilipino ang nag-aabang na marinig ang totoo at naniniwalang hindi usapin ito ng pulitika o pagtitibag ng mga presidentiables. Ang usaping ito ay kredibilidad ni Lacson at ng ilang mga institusyong inaasahang magbigay ng proteksiyon sa mamamayan.

Madalas nililigaw ang isyu sa pamamagitan ng pagdadahilan na ang tanging institusyon na makapagbibigay ng proteksiyon sa Pilipino ay ang Philippine National Police (PNP) at ang pagbatikos o pagsasangkot dito ay makasasama dahil pinababagsak daw ang institusyon. Sa tooo lang, palpak ang argumentong ito. Ang kailangang marinig natin ay pagtatanggi sa mga akusasyon, at hindi ang pagdadahilan ng pagpapatuloy ng institusyon.

Isipin n’yo na lang na kung totoo nga ang sinasabi ng mga testigo, ang ibig nilang sabihin ay huwag na lang isangkot ang PNP dahil ito ang institusyong nagpoprotekta sa mamamayan. Parang sinabi na rin nila na bayaan niyo na lang ang bantay-salakay, kaysa naman wala nang nagbabantay. Ang argumentong ito ay parang pinukpok ng Pinoy ang sariling ulo ng malaking bato.

Ang usapin dito ay kung ano ang katotohanan. Maraming dahilan at palusot na hindi akma sa isyu at pilit nilalayo ang usapin sa mga pangyayaring inilahad ng mga testigo. Kung tunay na magbabago ang pamahalaan at patitinuin ang gobyerno, kailangang matumbok muna natin ang katotohanan. Mula rito, malalaman natin kung paano magpapatuloy, kung ano ang babaguhin, at kung sinu-sino ang rerepormahin.

Hindi smear campaign ang nangyayari, at lalong hindi ito pagpapabagsak sa institusyon ng PNP. Ito ay testimonya laban sa katiwalian ng ilang mga opisyal ng pamahalaan na inaasahan sana nating siya ring magbibigay ng proteksiyon. Linawin na sana ang katotohanan upang makapagpatuloy tayo sa pagbabago ng bansa.

Show comments