Maging leksiyon sana ang trahedya sa World Trade C

Ilang sandali akong hindi nakakibo habang walang kakurap-kurap na pinanonood sa telebisyon ang pagguho ng World Trade Center Towers sa New York City matapos tumbukin ng dalawang jumbo jets. Nakunan ng camera ang pagdating ng ikalawang eroplano at ang pagbangga nito sa building at sumabog.

Nasisiguro kong milyong tao sa buong mundo ang nakakita sa pangyayari. Maaaring daang libong inosenteng tao ang namatay at nasaktan dahil oras ng pasukan sa opisina nang maganap ang trahedya.

Ang masaklap nito, hindi lamang ang World Trade Center ang tinira, pati ang Pentagon building na kinikilalang sentro ng Lakas ng United States ay pinuntirya ng mga walang kaluluwang terorista.

Sa nangyari, naisip ko tuloy na madaling maghasik ng lagim kahit sa mga makapangyarihan at malalakas na bansa na katulad ng US. Sino ang mag-aakala na mangyayari ito sa US na lahat na halos ng moderno at hi-tech na kagamitan at kaalaman tungkol sa self-defense at intelligence ay hindi mapapantayan ng sinuman?

Ano pa kaya ang mga maliliit at mahihirap na bansa na katulad ng Pilipinas? Ano kaya ang laban natin sa mga halang na bitukang terorista? Sa Abu Sayyaf pa lamang ay pinaaalikabukan na ang military natin. Sana naman ay maging leksiyon na sa ating gobyerno at maging sa mga ibang bansa na katulad ng US ang nangyaring ito nang sa ganoon ay maagapan na hindi na muling maulit ito.

Show comments