EDITORYAL - Higpitan ang seguridad

Ang malagim na pangyayari sa United States kamakalawa ay dapat maghatid ng matinding aral sa ating bansa kung seguridad ang pag-uusapan. Dito sa Pilipinas ay nagkakaroon lamang ng mga paghihigpit sa seguridad pagkaraan ng mga malalagim na insidente. Saka lamang nakikita ang kahalagahan ng paghihigpit kapag marami na ang namatay o napinsala. Pagkatapos ng ilang buwan o linggo, nalilimutan na ang paghihigpit. Ningas-kugon lang.

Ang US ay isa sa mga bansang sinasabing mahigpit sa kanilang seguridad subalit nakapagtatakang nalusutan pa rin sila. Apat na eroplano ang sabay-sabay na hinijack at pinabagsak. Dalawa sa eroplano ang ibinangga sa World Trade Center sa New York City, isa sa Pentagon at isa sa Pennsylvania. Malagim ang pangyayari na ang makagagawa lamang ay mga taong walang kinikilalang Diyos at wala sa katinuan. Idinamay ang maraming inosenteng sibilyan.

Ang pangyayari sa US ay nakapagdudulot ng pangamba. Apektado ang ating bansa at ang ekonomiya. Gagapang na naman tayo.

Pinaghihinalaang nasa likod ng malagim na pangyayari ang teroristang si Osama Bin Laden. Si Bin Laden ay maraming beses nang naiulat na nagsusuplay ng armas sa mga bandidong Abu Sayyaf.

Hindi maiaalis na gayahin ng mga bandidong Abu Sayyaf na sumusuporta kay Bin Laden ang nangyaring pagpapasabog sa WTC at Pentagon. Kung ang mga bandido ay walang awang pumapatay ng pari matapos bunutan ng kuko at tapyasin naman ang suso ng babaing bihag, maaari rin silang mang-hijack ng eroplano at ibangga sa matataas na gusali rito. Lalo pa nga ngayong ang military natin ay naaakusahang nakikipagsabwatan sa mga Abu Sayyaf kapalit ng pera.

Sariwa pa sa alaala ang pambobomba sa Light Rail Transit sa Blumentritt station na ikinamatay nang mahigit 100 katao noong December 30, 2000. Hanggang ngayon, hindi pa natutukoy kung sino ang utak ng pambobomba. Nakalusot sa mga tutulug-tulog na guwardiya ang mga "uhaw sa dugo". Noong May 2000, isang hijacker ang nakalusot sa Immigration at kinomander ang pampasaherong eroplano galing ng Davao patungong Maynila. Mabuti na lamang at tumalon ang hijacker na ikinamatay nito.

Gaya nang nasabi namin ang paghihigpit sa seguridad ang dapat unahin ng mga awtoridad ngayon. Hindi pakitang-tao lamang kundi totohanan. Maaaring ang nangyari sa US ay mangyari rin dito kung tutulug-tulog ang mga awtoridad.

Show comments