Paano ninyo nalamang palaanakin gayong biik pa? tanong ko. Sa kolehiyo ng medisina ay sinabi sa amin na hindi raw makikita sa anyo ng babae kung ilan ang magiging anak.
Ipinaliwanag ni Aling Rosing ang kanyang kaalaman tungkol sa pagbababoy. Pag ang babaing baboy ay kuba ang likod, siguradong palaanak. Ganoon din kapag maraming suso, ibig sabihin ay mas-marami ring mga biik. Pag mas marami ang anak kaysa sa dami ng suso, magugutom at mamamatay. Kung ang suso ng inahin ay laylay at umaabot sa lupa, magsusugat at mauuwi sa impeksiyon ang suso. Pag nakain ng biik ang mikrobyo sa suso, magkakasakit ito at mamamatay."
Humanga ako kay Aling Rosing. Gayong walang pinag-aralan ay maraming alam sa pag-aalaga ng baboy.
Nagpasya ako. "O, sige bilhin na natin ang biik.
Inalagaan ni Aling Rosing ang biik hanggang sa lumaki at dumating sa panahong ito ay aming dinala sa barako. Ang bayad sa barako ay isang biik kapag nakapanganak na. Ang usapan kapag hindi nagtagumpay o hindi nagbuntis ay uulitin na walang karagdagang bayad.
Nagbuntis ang baboy at maraming anak. Tama si Aling Rosing sa kanyang mga nalalaman sa pagbababoy. Hinati namin ang mga biik at gaya ng kanyang sinabi tumiba nga kami.